TATLONG alipores ni ‘Poncio Pilato’ ang naghaharing uri sa lalawigan ni Gov. Nina Ricci Ynares. Dangan naman kasi, kontrolado nila ang mga salot na sugal tulad ng LOTTENG, JUETENG at DEVIL MACHINE o Video Karera.
Sa bayan ng Taytay at Cainta, matatagpuan ang salot na DEVIL MACHINE ni Damian na walang pakialam kahit masira pa ang kinabukasan ng mga sa mga batang estudyante sa mga naturang bayan.
Kasabwat ni Damian ang isang retired colonel gamit ang pangalan ng kingpin ng lalawigan – si dating Rizal Gov. Ito Ynares.
Salot din sa mga Rizaleño ang talamak na operasyon ng LOTTENG ni alyas Boy Zola sa bayan ng San Mateo, Taytay, Montalban, Cainta, Teresa at lungsod ng Antipolo.
Yabang ni Zola, timbrado ang kanyang pasugalan sa retirado koronel sa kapitolyo at aktibong PULIS na nagpapakilalang bata ni Rizal PNP Provincial director Col. Felipe Maraggun at maging ng mga hepe lokal na pulisya.
Ang JUETENG naman ni alyas John Yap ay operational sa buong lalawigan ng Rizal na pinapatakbo ng kanyang mga kabo at garapalan ang pangongolekta ng Taya ng mga kubrador.
Ang illegal na JUETENG ni Yap at Zola ay dekada ng nag-ooperate sa lalawigan ng Rizal na may garantisadong lingguhang payola sa mga tiwaling PULIS, LGU at ilang kupitan sa antas ng barangay.
Bukod sa LOTTENG at JUETENG, kabilang din ang DEVIL MACHINES sa pinagmumulan ng ganansyang walang palyang kinokolekta ni Randy sa utos nina Doña Tessie at alyas retired Sgt. Adlawan, alyas Marcial, at isang Tata Jerry.
Ang siste, pinangongolekta ni Randy, Doña Tessie, Sgt. Adlawan at Tata Jerry pati ang CIDG Padilla at Game Amusement Board.
Sa totoo lang hindi tatagal ng dekada ang mga salot na sugalan at Video Karera kung walang mga tiwaling unipormado, LGU at kupitan este kapitan na nagbibigay proteksyon kapalit ang pakinabang. Abangan ang kasunod.
