SA dami ng alingasngas na kinakaharap ng Department of Education (DepEd), kumbinsido ang isang kongresista na isang milgro ang kailangan ng bagong Kalihim para masolusyonan ang iniwang problema sa kagawaran ni Vice President Sara Duterte.
Gayunpaman, tiniyak ni Zamboanga Del Norte 3rd District Rep. Adrian Michael Amatong ang kahandaan ng Kamara tumulong sa anumang hakbang ni Education Secretary Sonny Angara sa pinamumunuang ahensya.
Sa pagsalang sa House Committee on Appropriation para sa 2025 proposed budget ng DepEd, nagpahayag ang Mindanaoan lawmaker ng pagkabahala sa kalagayan ng sistema ng edukasyon, higit lalo sa matagal nang problema sa procurement ng ahensya at ang labis na kakulangan ng mga silid-aralan at mga aklat sa buong bansa.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Amatong sa dami ng problema ng DepEd sa kabila pa ng malaking pondong inilalaan ng Kongreso kada taon sa naturang departamento.
Duda ni Amatong, may naganap sa salamangka sa pondo ng DepEd.
“Akala ko naman wala tayong pondo, meron pala. Di ko maintindihan anong klaseng katarantaduhan ang nangyayari, bakit nagsa-suffer ang mga bata? Kasi po kung wala tayong pondo, maintindihan ko eh, pero bakit po DepEd, bakit po, meron naman pala?” himutok ni Amatong sa dusa ng mga mag-aaral na karamihan aniya’y walang aklat.
Dagdag pa ng mambabatas, kailangan din agad tugunan ang lumalaking kakulangan sa mga silid-aralan – 160,000 classrooms.
“We talk about improving the learning environment, about computers and textbooks, but if there are no classrooms, what kind of environment are we providing?” tanong ni Amatong.
“Alam kong kailangan mo ng milagro dyan para maitama lahat,” ayon pa kay Amatong.
“We are committed to making extraordinary efforts to address these concerns. We see the low obligation rates and undelivered resources, and we know this cannot continue. We will change the system,” tugon naman ni Angara.
Samantala, hinikayat ng Mindanaoan solon ang mga kapwa kongresista na pondohan ang hiling ng DepEd na karagdagang P30 bilyon para sa mga silid-aralan.
“Let’s ensure that every student has a proper learning environment.”
