BAGAMAT totoong apektado ang Pilipinas sa krisis na dulot ng giyera sa Middle East, hindi dapat pumalo sa sukdulan ang presyo ng krudo sa merkado.
Ito ang giit ni Manila Rep. Rolando Valeriano, kasabay ng pagbubunyag sa umano’y sabwatan ng mga oil companies para kontrolin ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Para kay Valeriano, hindi dapat umabot sa sukdulan ang taas presyo ng produktong petrolyo sa bansa kung walang nagsasamantala.
Una nang naglabas ng datos si ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na pangalawa ang Pilipinas sa buong mundo ang may pinakamataas na pagsirit ng presyo ng gasolina, na umabot ng 71.6 percent, batay sa Global Petrol Prices.
“Inilabas ni Congressman Tinio yung data ng mga nag-increase, at pangalawa tayo sa pinakamataas na itinaas ng crude. Ang number 1, I think, is Myanmar. Number 2 tayo,” aniya.
“So imagine mo, puwedeng hindi ganun kataas yung presyo natin. Kaya lang talagang pinagsamantalahan tayo nitong mga oil company na to,” dagdag ng mambabatas.
Ayon kay Valeriano, higit na angkop ipabuklat ang libro ng mga kumpanya ng langis.
“Ako, diretso ko nang sinasabi ito. Pabubuksan ko ang libro ng mga oil company na kartel naman talaga. Ang hindi nakakaalam na sila’y kartel, sila-sila na lang.”
