HINDI magpapatinag ang Office of the Ombudsman sa inihaing petisyon sa Korte Suprema ng puganteng kongresista na pinaniniwalaang sangkot sa malawakang korapsyon sa likod ng tinaguriang flood control scandal.
Partikular na tinukoy ni Assistant Ombudsman Mico Clavano ang temporary restraining order (TRO) na hirit ni dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co sa Korte Suprema.
Ayon kay Clavano, malinaw ang motibo ni Co — isabotahe ang malalimang imbestigasyon kontra-korapsyon.
Kamakailan lang nang naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Co upang pigilan ang implementasyon ng resolusyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kasong graft at malversation na inirekomendang isampa sa Sandiganbayan.
Giit ng dating mambabatas, nilabag umano ang kanyang karapatan na magkaroon ng due process dahil hindi siya nabigyan ng abiso upang makapaghain ng kontra-salaysay.
Gayunpaman, nanindigan ang Ombudsman hindi sila padadala sa taktika ng kampo ni Co na layong mapabagal lamang ang imbestigasyon laban sa mga bulilyasong kinasasangkutan ng dating mambabatas. (JULIET PACOT)
