Ni Estong Reyes
IPINABABALIK ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P75 bilyong kontribusyon ng LandBank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) sa Maharlika Investment Fund (MIF) sa naturang bangko at tuluyan nang ibandona ang proyekto.
Ayon kay Pimentel, humingi ng regulatory relief ang dalawang bangko upang makatugon sa capitalization requirement na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kaya’t kung hindi maibabalik ang naturang pondo, magiging dormant lamang ito sa Bureau of Treasury.
Idinagdag pa ni Pimentel na hindi na puwede pang galawin ang LandBank at DBP ang naturang P75 bilyon kaya’t wala nang control ang board ng bangko sa naturang kontribusyon matapos itong ilipat sa Maharlika sa pamamagitan ng batas.
“Ako nanindigan pa rin ako na unconstitional yan. So, therefore, i-abandon na lang nila yang Maharlika project,” ayon kay Pimentel sa ng Radio DZBB.
“So, in the meantime, to be practical, isauli na muna yung P50-billion na binigay ng Landbank, ibalik na muna sa LBP, yung P25-billion na binigay ng DBP ibalik na rin muna sa DBP, kasi otherwise, matagal tagal na panahon yang matutulog dyan,” ayon kay Pimentel.
“Kasi meron silang pine-perfect ang presidente. Ang executive branch meron silang pine-perfect. Hindi klaro kung ano yung, tapos mayroon pa rin tayong kelangan i-organize yang korporasyon na yan, tapos may kaso pa sa Supreme Court,” giit pa ng senador.
Isa si Pimentel sa naghain ng petisyon sa Supreme Court na itigil ang Implementasyon ng batas sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO), writ of preliminary injunction, o status quo ante order.
Kasama ng minority leader, ang Bayan Muna Party-list Chairperson Neri Colmenares at iba panbg Bayan Muna representatives, dahil lubhang mapanganib na batas ang MIF dahil maaaring ilipat dito ang daang bilyong public funds na pamamahalaan ang Maharlika Investment Corp. (MIC) na hindi pa nabubuo hanggang ngayon.
Nitong Miyerkoles, sinuspinde ng Palasyo ang Implementasyon ng MIF dahil gusto munang pag-aralan nang mabuti ang pagpapatupad ng sovereign investment fund.
Pero, kinabukasan bago tumulak sa Saudi Arabia, nilinaw ng Palasyo na itutuloy ang Implementasyon ng MIF at isusulong ang sovereign fund internationally.
“The state economic managers of the Marcos administration should start auditing how many of the pledges on the MIF have already materialized,” ayon kay Pimentel.
Dapat din umanong tukuyin ng Executive department kung anong intensiyon ang babaguhin o ipepeperpek sa Maharlika law, na kanilang sinasabi.
“Actually, malayo pa ito bago maging operational itong MIC. Kailangan mamili ng board, tapos, magha-hire pa ng manager. Meron silang mga investor experts na iha-hire, biili ng computer nila. Buwan or taon pa ito. So matagal-tagal matutulog ang pera ng Landbank at DBP kasi wala pa ang board. Wala pa ang layo pa,” giit ni Pimentel.
