
DAPAT lang. Ito ang mga katagang binitawan ng isang kongresista matapos dakpin ang isang vlogger na nasa likod umano ng pagpapakalat ng maling impormasyon gamit ang social media.
Para kay House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd Dist. Rep. Pammy Zamora, dapat magsilbing paalala sa hanay ng mga content creators ang pag-aresto kay Wendelyn Magalso ng Oslob, Cebu.
“Dapat silang maging responsable sa kanilang social media post. Seryoso ang pamahalaan labanan ang paglaganap na ‘fake news’ sa bansa,” sambit ni Zamora na nagpahayag ng suporta sa kampanya ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno kontra sa pagpapakalat ng mga mali at mapanirang impormasyon.
“This case is a stark reminder that freedom of expression is not freedom to deceive. “May hangganan ang pagiging ‘content creator,’ lalo na kung ginagawa mo ito para manira, magpakalat ng kasinungalingan, at kumita mula sa panloloko. Kung pipiliin mong magkalat ng fake news, may kapalit iyan,” wika ng ranking lady House official.
Matatandaan na tumugon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa reklamo ng TV5 laban kay Magalso nang baguhin ng huli ang isang online news post ng naturang network partikular ang paglalagay ng pekeng quotes at pinalabas na sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “legal na daw ang droga grabe ka naman Marcos ngayon harapin mo lahat ng hamon kong makakabalik ka pa pagka looy sa mga inosente.”
Isang video rin umano na-edit tungkol sa di umano’y pahayag ni Presidente Marcos para naman linlangin ang mga manonood.
Inamin ni Magalso na ginawa niya ang post upang kumita mula sa views at kalaunan ay humingi ng paumanhin sa Pangulo.
Subalit giit ni Zamora, ‘hindi ito simpleng opinyon. Ito ay tahasang panlilinlang.”
“At kung ginagaya mo pa ang Pangulo o lehitimong media outlet para magmukhang totoo, malinaw na intensyon mong manloko,” dagdag ng Taguig lady solon.
Si Magalso ay nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Kung napatunayang nagkasala, maaari siyang makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at pagmultahin mula P40,000 hanggang P200,000.
Samantala, nanawagan si Zamora na palakasin pa ang digital literacy at panagutin ang mga iresponsableng content creator.
“Kailangan nating turuan ang kabataan kung paano kilalanin ang totoo sa peke. At para sa mga sadyang gumagawa ng fake news, tandaan ninyo—mahahabol kayo ng batas,” babala ni Zamora. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)