WALANG hinanakit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakatatandang kapatid na si Senador Imee Marcos sa kabila ng mga patutsada sa administrasyon — at ang pagkalas sa senatorial slate sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
Pag-amin ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, hindi maiiwasan isipin ng mga tao na may lamat sa relasyon ng Pangulo at ni Senador Imee.
Subalit sa panig aniya ng Pangulo, hindi masasabing may lamat ang relasyon ng magkapatid. Ang dahilan – hindi naman aniya pikon ang Pangulo sa mga ipinupukol na batikos at puna sa nakalipas na dalawa’t kalahating taon.
Wala rin umano epekto ang ang mga kabi-kabilang patutsada kahit na pa lumalahok ang kapatid na senador sa mga kilos-protesta ng Maisug kung saan hayagan aniya ang paninira kay Marcos ni former President Rodrigo Duterte.
Nang hingan ng reaksyon hinggil sa pagkalas naman ni Imee sa koalisyon ng Alyansa, mismong si Imee na aniya ang lumisan dahil sa salungat na adbokasiya at posisyon sa iba’t ibang usapin.
“Wala po tayong nadidinig na salita mula sa Pangulo. Siya lamang po ang nagsasalita ng mga bagay-bagay na katulad ng ganyan. Siguro yan po ‘yung kanyang (Imee) pananaw pero sa Pangulo po., wala po tayong madidinig.”
Una nang inamin ni Sen. Imee na matagal na silang hindi nag-uusap ng kapatid na Pangulo.
