
BILANG bahagi ng repormang isinusulong ng Kamara, sinimulan ng Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc) ng House Appropriations Committee ang paghimay sa P6.793 trillion proposed 2026 national budget.
Personal na dumalo sa nasabing pagpupulong ang bagong talagang House Speaker na si Isabela 6th District Rep. Faustino Dy III.
Sa isang panayam, tiniyak ni Dy na magiging bukas ang Kamara sa pagtalakay, gayundin sa pagpapatibay sa panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon.
“Unang-una alam n’yo naman po na talaga ang pinaglalaanan natin ng oras ngayon, na to make sure na transparent ang ating ipinapapasang proposed budget for 2026. Katunayan n’yan ngayon ay mayroon tayong ginagawang budget amendment and revision sa sub-committee na kung saan maraming member ng House tinatalakay at binubusisi ang proposed budget for next year,” bungad ni Dy.
“Kaya naman, ako po, iyan ang dapat nating pagtuunan ng pansin at hinihiling ko sa inyong lahat na sama-sama nating bantayan ang proposed budget na ito, nang matiyak na tama ang paglalaanan ng pondo, na bawat sentimo para po sa ating sambayanan,” dugtong ng lider ng Kamara.
Matatandaan na noong nakaraang linggo tinapos ang budget briefing ng House Appropriations Committee, na pinamumunuan ni Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing para sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Sa panahon ni dating Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, binuwag ang dating nakasanayang pagbuo ng “small committee” na siyang mag-aamyenda ng proposed national budget matapos ipasa sa ikatlong pagbasa sa plenaryo ang huli at bago isalang sa bicameral conference committee.
Upang maging transparent ang proseso, ipinatupad din ng dating pamunuan ng mababang kapulungan ang pag-imbita sa iba’t-ibang people’s organizations para sumalli sa pagtalakay ng proposed national budget.
Tulad na napagkasunduan, dadaan sa BARSc ang panukalang budget kung saan maaring isulong ang pagbabago sa proposed national budget bago isalang sa second reading sa plenaryo. (ROMER R. BUTUYAN)