HINDI limitado sa tinaguriang BGC Boys ng Bulacan ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Senador Panfilo Lacson ang napipintong pagsalang nina former DPWH Secretary Manuel Bonoan na di umano’y posibleng sangkot sa tinawag niyang salamangka sa kontrata ng ahensya.
Ayon kay Lacson, kailangan mapaniwala ni Bonoan ang mga senador na wala siyang kinalaman — o pinakinabangan sa mahigit P600-milyong halag ng tinatawag na “cash deliveries” mula kay Sally Santos na nagmamay-ari ng Syms Construction.
Kabilang rin sa sisilipin ng komite ang koneksyon ng pamilya ni Bonoan sa kumpanya ni Candaba Mayor Rene Maglanque na nakasungkit din ng kontrata mula sa pinamumunuang ahensya.
“Siyempre siya ang appointing authority kasi siya yung dating DPWH Secretary. Ano ang kanilang samahan ni Usec. Bernardo patungo dito pababa dito sa Bulacan 1st Engineering Office. Kailangan ma-establish natin yun,” wika ng senador.
“Meron silang dapat ipaliwanag and remember, yung testimonya rin ni Sally Santos napakahalaga noon, hindi na naresolve yun dahil kung ito-total mo yun… mahigit P600M na diniliver niya dun sa district engineering office mismo. Anong nangyari sa pera, kani-kanino napunta yun? Ano ba SOP kung saan galing ang perang pinanglalagay nila?” dugtong ni Lacson.
Kaugnay naman kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, kumbinsido si Lacson na ang naturang opisyal ang amo ng tinaguriang BGC Boys na kinabibilangan ng mga sinibak na opisyales ng DPWH Bulacan First Engineering Office na sina Engr. Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
Aniya, si Bernardo ang nagtalaga kina Alcantara at Hernandez sa Bulacan first DEO. Kung pagbabatayan ang mga larawan na hawak ng komite, hindi rin aniya maitatanggi na ang pagiging malapit ni Bernardo kina Alcantara at iba pa. Kuha umano ang litrato sa “tambayan” ng isang Loren Cruz na tumatayong bagman ni Alcantara.
“Mga bata talaga aniya ito sina Alcantara, Hernandez…Anong ginagawa ni Usec. Bernardo dun sa pagtitipon na yan? So meron din siyang ipapaliwanag, yun ang sinasabi ko,” ani Lacson. (ESTONG REYES)
