TALIWAS sa kumakalat na balita, hindi pa tinatalakay sa Malacañang ang umano’y pag-awat sa isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga katiwalian sa pamahalaan.
Ayon kay Atty. Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, hindi dahilan ang pagbibitiw ng dalawang commissioners para tuldukan ang isinusulong na imbestigasyon sa anomalyang isiniwalat aniya mismo ng Pangulo.
Garantiya ng Palace official, tuloy pa rin ang pag-iimbestiga sa tinaguriang flood control scandal sa kabila ng paglisan nina ICI Commissioners Rogelio Singson at Rossana Fajardo.
“Huwag nilang isipin na hindi na matutuloy ang pag-iimbestiga, hindi magkakaroon ng pag preno. Yung enthusiasm na mapanagot ang mga dapat na mapanagot ay nananatili pa rin,” wika ni Castro sa mga mamamahayag.
Aniya, sinimulan ni Marcos ang pagpapa imbestiga sa anomalya at siya umano ang magtatapos hanggang sa maparusahan ang mga kapural sa likod ng malawakang anomalya.
Samantala, nilinaw ni Castro na tuloy-tuloy din ang pag-iimbestiga ng Ombudsman at Department of Justice habang naghihintay ang Palasyo sa pagpapatibay ng panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang permanenteng independent commission.
Gayunpaman, hiniling aniya ni Marcos na iwasan magkaroon ng pag doble-doble ng trabaho sa Ombudsman at DOJ. (LOUIE LEGARDA)
