MATAPOS makapagtala ng 47 rockfall noong bisperas ng bagong taon, tuluyan nang itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 2 ang estado ng Bulkang Mayon sa Albay.
Sa datos ng Phivolcs, nasa 21 rockfall incidents ang naitala ng ahensya kada araw sa huling linggo ng Disyembre ng nakalipas na taon — doble sa 10 rockfall incidents kada araw sa mga nakaraang buwan.
Kapuna-puna rin anila ang ground deformation na indikasyon ng pag-akyat ng magma at hydrothermal fluids.
Samantala, nagbigay-paalala ang Phivolcs sa publiko. Anila mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pagguho at pyroclastic density currents.
Pinayuhan din ang mga residente na maghanda sa posibleng ashfall. Bawal din ang paglipad ng mga eroplano malapit sa bulkan. (LILY REYES)
