AYAW patulan ng Palasyo anuman ang kasunduan sa pagitan ni Vice President Sara Duterte at Senador Imee Marcos kaugnay ng pagpapabalik sa bansa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Partikular na tinukoy ni Palace Press Officer Claire Castro ang patutsada na Sara na nagsabing bihag ng mga Duterte ang senador na kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — at bibitawan lamang sa sandaling makauwi na sa Pilipinas ang amang nakakulong sa Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nagdaang administrasyon.
Ani Castro, walang kinalaman si Marcos sa “Bring Duterte Home deal sa pagitan ng bise presidente at ng senador.
“Ang Pangulo ay walang partisipasyon sa kanilang kasunduan. The President is not privy to the contract or agreement between a user and a person willing to be used,” ani Castro.
Hindi man hayagan, nagpakawala ng patutsada si Castro laban sa “high government official” na panay bakasyon sa ibang bansa.
“In general ang Pangulo ay aksiyon, aksiyon, aksiyon at hindi bakasyon. Iyan lagi ang ginagawa ng Pangulo. Wala akong partikular, maliban na lamang kung meron kayong alam na nagbabakasyon ngayon,” dagdag ni Castro.
Kasalukuyan nasa Malaysia si VP Sara matapos pumunta sa Netherlands kung saan nakapiit ang amang dating pangulo.
