KUNG hindi pa pinwersa, hindi kikilos ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa panawagan palawakin ang serbisyong pangkalusugan ng mga miyembrong kinakaltasan ng buwang kontribusyon.
“Isa itong napakagandang balita para sa ating mga kababayan na madalas nahihirapan dahil sa napakalaking gastos sa pagpapagamot ng sakit sa puso. Ang ganitong mga benepisyo ay talagang kailangan ng mga Pilipino,” pahayag ni Senador Bong Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health and Demography.
Partikular na tinukoy ni Go ang pinalawak na benepisyo sa ilalim ng PhilHealth Circular 2024-0032 kung saan nakasaad ang mga dagdag-serbisyo ng naturang ahensya.
Aniya, hindi dapat ipagwalang-bahala ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga mamamayang may malubhang karamdaman pero walang kakayahang tustusan gastusin kalakip ng gamutan.
“Ang puso ay buhay. Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para makapagpagamot ang ating mga kababayan,” dugtong ni Go.
Sa kabila ng anunsyo ng Philhealth na pinalawak na benefit packages, nanindigan ang mambabatas na kailangan pa rin ng komprehensibong reporma sa serbisyong pangkalusugan.
“Ang pondo ng PhilHealth ay para sa health! Pera po ito ng taumbayan, bawat piso ay pinagpaguran. Dapat po itong gamitin sa paraan na talagang makikinabang ang mga mamamayan.”
Sa mga nakalipas na panahon, kabilang si Go sa mga walang humpay na nangalampag sa PhilHealth bunsod ng kabi-kabilang kaso ng mga pumanaw sa karamdaman nang hindi man lang nilapatan ng lunas.
“Kung hindi dahil sa ating pakikipaglaban, hindi matutupad ang mga dagdag na benepisyo na ito. Sulit ang ating pangungulit ngunit hindi tayo dito titigil hanggang maisakatuparan ang mga pangako nila sa taumbayan.”
Kabilang sa mga isinulong ni Go ang pagtugon sa “top 10 mortality diseases,” umento sa case rates, at pagbasura sa 24-hour confinement policy. Pasok din sa adbokasiya ng senador ang dagdag-serbisyo tulad ng “dental and optometric services, preventive and emergency care, as well as provision of medicines and assistive devices.”
Sa pangungulit ni Go, tuluyan na rin inalis ng PhilHealth ang Single Period of Confinement (SPC) policy ng state insurer.
