HINDI pa man opisyal na nagsisimula ang takdang panahon ng pangangampanya, nagkalat na sa lansangan ang mukha ng mga politikong sasagupa sa nalalapit na halalan sa Mayo, ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia.
Panawagan ni Garcia sa mga kandidato sa halalan sa Mayo, hintayin ang opisyal na campaign period.
Partikular na tinukoy ni Garcia ang mga nagkalat na posters at advertisements — “Dahan-dahan lang, medyo hinay-hinay. Huwag po natin i-underestimate ang katalinuhan ng ating mga kababayan. Napakatalino po ng mga Pilipino. Alam po nila kapag sila ay pinaglololoko, o alam po nila kapag inaabuso ang kabaitan po nila,” anang Comelec chief.
Para kay Garcia, hindi nakakatuwang makita ang mukha ng mga kandidato sa nagkalat na tarpaulin sa mga pampublikong lugar lalo pa aniya’t malayo pa naman ang takdang petsang husyat ng pagsipa ng pangangampanya.
“Baka pwedeng konting tiis, konting timpi, sapagkat meron po tayong mga kababayan na hindi po nagugustuhan na nakikita ang inyong mga pagmumukha diyan sa ating mga kalsada o nakalatag dito sa bawat kalye o nakakadumi sa ating mga bahay-bahay,” patutsada ni Garcia.
Hindi man tinukoy, kabilang sa mga kandidatong nagkalat ang mukha sa mga lansangan si Las Piñas Rep. Camille Villar na umano’y may pinakamalaking ginastos mula nang maghain ng kandidatura para senador para sa May 2025 senatorial race — bukod pa kina reelectionist Senator Imee Marcos, Francis Tolentino, Lito Lapid at Agri partylist Rep. Wilbert Lee.
Sa ilalim ng umiiral na batas ng automated election, walang probisyon nagbabawal sa premature campaign.
