NANAWAGAN si Abra lone district Rep. JB Bernos sa pamahalaan para sa mas pinaigting na kampanya laban sa mga peke at smuggled na sigarilyo, bilang proteksyon sa local tobacco industry.
“Ang mga peke at smuggled na sigarilyo ay malaking banta sa ating mga tobacco farmers hindi lamang dito sa Abra, kundi sa buong bansa,” pahayag ni Bernos.
Partikular na pinagbatayan ni Bernos ang ulat ng Stratbase Research and Intelligence. Base sa datos ng Stratbase, patuloy na namamayagpag ang illicit cigarette trade kung saan aabot sa 9.52 billion sticks (katumbas ng P11.3 billion) ang naipasok sa merkado ngayong taon.
Dagdag ni Bernos, sa panig naman ng Bureau of Customs (BOC), mula 2019 hanggang 2023, aabot sa P13.2 billion halaga ng illicit cigarettes ang nasabat, mula sa kabuuang P114.8 billion na smuggled goods na nakumpiska sa magkakahiwalay na operasyon.
Giit ng kongresista, ang tobacco market ay may malaking papel para pondohan ang health programs ng pamahalaan, mula sa excise tax.
Patunay nito, ani Bernos, ay ang 2023 Sin Tax Annual Report ng Department of Health (DOH) na nagpapakita na 58 percent ng excise tax collections noong taong 2021 ay ginamit sa 2023 General Appropriations Act, na aabot sa halagang P174.13 billion.
Nakasaad din sa batas na ang excise tax collections mula sa tobacco at heated tobacco products, gayundin sa alcohol, at sugar-sweetened beverages ay gagamitin para sa pondohan ang universal health care, medical assistance, at ang Health Facilities Enhancement Program.
Bukod dito, sinabi ni Bernos na ang local farmers ay nakikinabang din sa excise taxes dahil ang tobacco-producing provinces ay tumatanggap ng 5 percent (na hindi hihigit sa P4 billion ang halaga) kung sila ay mayroong burley at native tobacco; at 15 percent naman (na hindi hihigit sa P17 billion) kapag Virginia tobacco.
Subalit dahil sa pagpasok sa bansa ng mga peke at smuggled na sigarilyo, nagkaroon ng kakumpetensiya ang local tobacco products at nababawasan din ang excise tax collections.
Kaya bukod sa mahigpit na kampanya ng gobyerno kontra illicit cigarettes, umapela si Bernos sa mga tindahan na huwag magbenta ng mga ilegal na produktong ito.
“Malaki po ang maitutulong natin sa ating mga kailyan kung hihindi tayo sa pagbenta ng ilegal na sigarilyo. At tandaan din po natin na ginagawa natin ito para sa ating sarili dahil krimen ang pagbebenta nito. Maawa naman po kayo sa ating mga kababayan.”
