POSIBLENG unahin ng International Police Organization (Interpol) ibalik sa bansa si former presidential spokesperson Harry Roque. Ang dahilan — matagal nang nakabinbin sa Interpol ang request for Red Notice para sa dating opisyal ng Palasyo.
Sa isang panayam sa radyo, inamin ni Winston Casio na tumatayong tagapagsalita ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na naghihintay na lang ang ahensya sa tugon ng Interpol.
Nahaharap si Roque, na kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands, sa kasong kasong qualified human trafficking kaugnay ng illegal POGO operation sa bansa.
“The Philippine government already submitted a request for a red notice, an international arrest warrant para kay Ginoong Roque,” ani Casio.
“Mahirap lang kasi nagpo-project siya na siya di umano ay biktima ng political persecution… Wala naman ganun… Lahat naman nakadepende sa ebidensya,” paliwanag ng PAOCC spokesperson.
Kabilang si Roque sa talaan ng inisyuhan warrant of arrest ng husgado kaugnay ng POGO scam hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga kung saan hindi bababa sa 158 dayuhang manggagawa ang umano’y pwersahang pinagtrabaho bilang scammer.
Bukod kay Roque, swak din sa red notice request ng PAOCC ang kinatawan ng Lucky South 99 na si Cassandra Ong, at 48 iba pang may standing warrant of arrest para sa torture, kidnapping and sex trafficking.
