MULING nanawagan ang pamunuan ng Kamara sa puganteng kongresista na umuwi sa bansa para harapin ang santambak na alegasyon kaugnay ng flood control scandal.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy, ngayon higit kailanpaman dapat manindigan si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co sa mabigat na paratang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay dating House Speaker Martin Romualdez.
“Hindi sapat ang video mula sa ibang bansa. Kapag mabigat ang paratang, dapat mas mabigat din ang paninindigan. Kailangan niyang humarap, manumpa, at magharap ng ebidensya sa mga awtoridad tulad ng ICI (Independent Commission for Infrastructure),” wika ni Dy.
“Lahat ng kongresistang may kailangan ipaliwanag ay kusang-loob na humarap at nakipag tulungan sa ICI. They are all willing to cooperate and work with the ICI to explain their side. Hindi po ito ginawa ni dating Rep. Co,” dugtong ng lider ng Kamara.
“Ito ang malinaw na pagkakaiba: habang ang iba ay harapang nagbigay-linaw, si dating Rep. Co ay umiwas. Sa halip na makatulong sa paglilinaw, mas lalo niyang dinaragdagan ang pagkalito ng publiko.”
Nagbigay rin ng garantiya si Dy sa agam-agam ni Co sa seguridad.
“Kung kinakailangan siyang bigyan ng proteksyon, makikipag-ugnayan po tayo sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kanyang seguridad habang siya ay nagbibigay ng testimonya.”
“Sa ating mga kababayan: nauunawaan ko ang pangamba at pagod na dulot ng magulong impormasyon. Naiintindihan namin kayo. Ang hinihingi lamang ninyo ay katotohanan—at iyon din ang hinihingi namin,” sambit pa ng House Speaker.
“Kaya ito po ang aking panawagan kay dating Rep. Co: Umuwi po kayo at harapin ninyo ang taumbayan.”
Paalala ni Dy, sa unang araw pa lamang niya bilang lider ng mababang kapulungan, paninindigan niya sa harap ng sambayanan na siya ay “kaisa ng ating Pangulo sa layuning linisin ang pamahalaan upang tayo ay bumangon muli.”
“Naniniwala ako na hindi mabubuo ang tiwala ng taumbayan kung walang tunay na pananagutan—hindi para sa pulitika, kundi para sa kapakanan ng bawat Pilipino.”
“Kaya isa sa una kong ginawa bilang Speaker ay kanselahin ang travel authority ni dating Rep. Zaldy Co, upang makauwi siya at harapin ang mga paratang laban sa kanya. Nang hindi pa rin siya umuwi, agad tayong nag-coordinate sa DOJ upang mapabilis ng DFA ang pagkansela ng kanyang pasaporte. Ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin siya sa ibang bansa—at video lamang ang kanyang inilalabas,” pagtatapos ni Dy. (ROMER R. BUTUYAN)
