Ni EDWIN MORENO
SA tindi ng pasabog ng tinaguriang berdugo ng tokhang, lumikha ng isang review panel ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa hangaring talupan ang di umano’y quota at reward system sa giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang kalatas, naglabas ng isang direktiba si PNP Chief General Rommel Marbil para sa malalimang imbestigasyon sa mga isiniwalat ni Police Lieutenant Colonel Jovie Espenido sa quad committee ng Kamara kamakailan.
Sa naturang pagdinig, kinumpirma ni Espenido ang quota at reward system para sa mga operatibang makapatay sa mga pinaghihinalaang tulak ng droga sa ilalim ng kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Target di umano ng Oplan Double Barrel ang mga big-time drug suspect, habang mga pipitsuging tulak naman ang inasinta di umano sa Oplan Tokhang.
“We take these allegations with the utmost gravity,” saad ni Marbil sa isang statement nitong Linggo.
“The review panel, which is led by the Office of the Deputy Chief PNP for Operations (ODCO) and composed of the PNP Quad Staff, the Internal Affairs Service (IAS), and the Human Rights Office, has been tasked to thoroughly assess and evaluate Oplan Double Barrel, including Lt. Col. Espenido’s disclosures,” pahayag ni Marbil.
Target aniya ng imbestigasyon tiyakin na ang bawat operasyon kontra droga ay isinasakatuparan ng may paggalang sa umiiral na batas, kasabay ng proteksyon sa karapatang pantao.
