PINAGTIBAY ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukalang pagpapaliban ng 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon mismo sa kongresistang may-akda.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na ang pagpapaliban ng halalan ay hindi pagpapalawig ng termino ng mga kapitan at kagawad ng barangay, bagkus ay naaayon sa probisyong kalakip ng 1987 Constitution at Local Government Code of 1991.
Sa halip na sa Oktubre ng susunod na taon, target ng House Bill 10344 idaos ang BSKE pagsapit ng Oktubre ng taong 2026.
Paliwanag ni Villafuerte, ang pagsasagawa ng BSKE sa 2025 ay nangangahulugan kulang ang terminong pinagsilbihan ng mga nanalo noong Oktubre 30, 2023.
“An elective term is meant to be served out in full. Thus, HB 10344 does not attempt to extend the term of office of the incumbent barangay and SK officials; Rather, HB 10344 intends to harmonize the mandated three-year term of the incumbents and the next BSK elections,” wika ng mambabatas.
Ang isang taong pagpapaliban sa BSKE ay nangangahulugan aniya na mas marami ang mabibigyan ng pagkakataon na makaboto.
