SAKALING bumaba sa pwesto — kung hindi man patalsikin sa Palasyo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi pa rin makakaupo si Vice President Sara Duterte sa Palasyo.
Ang dahilan — iba ang napupusuan ng mga oligarko.
Usap-usapan sa hanay ng mga negosyante ang pagsusulong kay San Miguel Corporation President Ramon Ang bilang “consensus caretaker” para sagipin ang napipintong pagbagsak ng ekonomiya ng bansa dahil sa lumalalang korapsyon at labis na pamumulitika sa gobyerno.
Sa ulat na unang lumabas sa Bilyonaryo News Channel, tinawag pang “stabilizing figure” ng mga dambuhalang negosyante si Ang.
Kabilang rin sa mga humuhugong ang umano’y “reset na suportado ng mga militar. Gayunpaman nilinaw sa naturang balita na hindi kudeta ang isinusulong kundi isang “transitional scenario” para ibalik ang kaayusan ang kumpiyansa ng mga kapitalista.
Kamakailan lang, lumagapak ang stock market at maging ang halaga ng piso kontra dolyar matapos madawit sa flood control scandal ang mga prominenteng personalidad sa gobyerno – bukod pa sa alegasyon ni Senador Imee Marcos sa umano’y paggamit ng droga ng Pangulo at ng Unang Ginang.
