DAHIL sa pagkakaroon ng mataas na trust rating sa pinakahuling survey, mas lalo umanong tumibay ang tsansa ni reelectionist Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa bisa ng endorsement ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, malaking tulong sa pag-aasam niyang makuha ang ikalawang termino bilang kasapi ng Senate of the Philippines ang pag-endorso ng bise presidente.
“Malaking boost sa aming chances of winning,” ang bungad na pahayag ng Mindanaoan lawmaker.
“Alam naman nating out of all the national leaders, siya ang may pinakamataas na trust rating, ‘di ba? Ibig sabihin, marami siyang followers,” dugtong ni Dela Rosa.
Sa March 2025 Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia, lumabas ang pagtaas sa approval at trust ratings ni Duterte, na mula sa dating 52 percent ay pumalo ito sa 59 percent.
Bukod dito, bumaba rin sa 16 percent ang disapproval rating ng lady vide president mula sa dating 26 percent at tumaas naman ang trust rating nito mula 53 percent noong Pebrero ay naging 61 percent nitong buwan ng Marso.
Sinabi ni Dela Rosa na naunang nanawagan at hinimok ni Duterte ang kanyang mga supporter na mag-bloc voting o iboto lamang ang mga kandidato na kanyang iniindorso.
Matatandaan na bukod kay Dela Rosa, suportado rin ng bise presidente ang senatorial bid nina Sen. Bong Go, lawyers Jimmy Bondoc, Jayvee Hinlo at Raul Lambino, actor Philip Salvador at guest candidates SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, Pastor Apollo Quiboloy, lawyer Vic Rodriguez, at Doctor Erik Mata.
Samantala, kasabay sa kanyang malugod na pasasalamat kay Duterte sa pag-endorso sa kanyang kandidatura, kumpiyansa si Dela Rosa na sa kabila ng mga hamon na kanyang kinakaharap sa pangangampanya ay mataas pa rin ang tiyansa niya na pumasok sa tinatawag na Magic 12.
“I feel happy. Despite the fact that my campaign strategy is guerilla style, yet the numbers are rising, the numbers are increasing,” bulala ni Dela Rosa, na dati rin naging chief ng Philippine National Police (PNP).
