IDINEKLARANG dead on arrival sa pagamutan ang 89-anyos na beteranong mamamahayag matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa kanyang tirahan sa Kalibo, Aklan, nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ng Aklan Police Provincial Office, (APPO) ang biktima ay kinilalang si Juan P. Dayang na nagsilbing pangulo ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) at presidente ng Manila Overseas Press Club (MOPC).
Dati ring alkalde ng Kalibo si Dayang matapos ang Edsa People Power revolution noong 1986.
Sa isang kalatas, tiniyak ni Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) Executive Director at Undersecretary Joe Torres na patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad para sa karagdagang impormasyon sa insidente.
Ayon sa Aklan police, isinugod si Dayang sa Rafael Tumbukon Provincial Hospital sa Kalibo ngunit idineklarang dead on arrival.
Malapit na sana niyang ipagdiwang ang kanyang ika-90 kaarawan sa darating na buwan ng Hunyo 24.
Ayon naman sa pahayag ni Jethro Laserna ng Aklan Press Club, bago naganap ang insidente ng pamamaril, kausap ni Dayang ang isang kaibigan sa loob ng isang kubo sa kanyang tirahan nang biglang pumasok ang nag-iisang gunman at pinagbabaril si Dayang.
Sa inisyal na report, ang biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala mula sa di pa mabatid na kalibre ng baril sa ibat ibang parte ng katawan na siyang naging dahilan ng maagang pagkamatay ng biktima.
“Mahal siya ng mga taga Kalibo at nabigla kami sa pangyayaring ito,” wika ni Laserna.
Si Dayang ay dating naging kolumnista ng dalawang tabloid na nakabase sa Maynila.
Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang alamin ang tunay na motibo at kung sino ang salarin pati na ang nasa likod ng nasabing pamamaslang. (LILY REYES)
