IBINUNYAG ni JUSTICE Secretary Jesus Crispin Remulla na kinakalinga umano si dating Negros Oriental representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ng lokal na warlord sa Southeast Asia habang kinakaharap nito ang iba’t ibang kaso sa korte ng Pilipinas.
Ito ang nakalap mula sa intelliegence reports na natanggap ng Department of Justice (DOJ) kung saan kinikilalang terorista si Teves.
Nagpapalipat-lipat din umano ng lugar si Teves upang hindi matunton ng awtoridad. Nauna rito ay nagpalabas na ng arrest warrant ang Manila Regional Trial Court laban kay Teves bunsod ng pagkakasangkot at ng iba pa sa pagpaslang kay provincial governor Roel Degamo noong Marso 4.
Hindi naman nababahala si Remula sa report na nasa proteksiyon ng local warlords si Teves.
“Nandon pa din siya sa area, sa Southeast Asia supposedly under the protection of local war lords. ‘Yan ang balita sa amin pero titignan natin kasi ASEAN (Association of South East Asian Nations)’ yan eh. We can ask them to assist us especially against someone who is a designated terrorist, ” sabi nito.
Tiniyak din ni Remulla na minomonitor ang mga kilos ni Teves.
“Meron pang monitoring ngayon, actually mas tight ang monitoring kasi nga hindi biro ang terrorism. It is a crime against humanity kaya ito talaga sinisikap natin na alertohin ang buong mundo sa bagay na ito. Madami pa din ang nagbibigay sa amin ng info kaya ito po ay aming sinasala tinitignan kung alin po dito ang aming papansinin, ” sabi pa ni Remulla.