
SA huling araw na ibinigay na palugit para bumalik sa Pilipinas, pormal na naghain ng ”irrevocable resignation” si Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co bilang mambabatas.
Unang lumutang ang impormasyon sa pagbibitiw bilang kongresista ni Co sa kanyang Facebook account kung saan sinabi niyang “Mabigat man sa aking puso, ako’y nagpaabot ng aking pagbibitiw bilang Kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.”
“Sa loob ng aking panunungkulan, aking sinikap na maging kasurog ng bawat Pilipino, lalo na ng ating mga kababayan sa Bicol,” wika ng partylist congressman na dawit sa trilyon-pisong flood control scandal.
“Ang desisyong ito ay hindi naging madali, ngunit ito ay aking tinimbang nang mabuti para sa ikabubuti ng aking pamilya at ng mga taong patuloy kong pinaglilingkuran. Maraming salamat sa pagsuporta,” pagtatapos ni Co.
Nakapost din sa kanyang official social media account ang tatlong pahina ng resignation letter ng dating chairman ng House Appropriations Committee, para kina Speaker Faustino Dy III at House Committee on Ethics and Privileges Chairman Jonathan Clement Abalos.
Opisyal na kinumpirma ng opisina ni Co sa mga mamamahayag sa Kamara ang pagbibitiw ng Bicolano solon, at sinabi ring alas-2:35 ngayong hapon nang matanggap ng Office of the Speaker ang liham ng pagbibitiw.
Katwiran ni Co sa kanyang resignation letter — “real, direct, grave and imminent threat” sa buhay niya at mga miyembro ng kanyang pamilya, gayundin sa aniya’y kawalan ng due process of law.
Samantala, may sulat din si Co na naka-address naman kay Ako Bicol PL second nominee, Rep. Alfredo Garbin para ipabatid ang kanyang leave of absence sa kanilang organisasyon.
“I will be taking a leave of absence from the Ako Bicol Partylist starting today until such time as it is safe for me to return to the Philippines to resume my duties as a member and representative of our organization and to address the many false claims being made against me,” aniya pa.
“All I can tell you now is that the accusations being made against me are false. In due time, I will give my statements on the matter. At present, I can only stay silent to protect my family and myself. We are in grave danger.”
Panghuli, hiningi ng nagbitiw na mambabatas ang suporta ng mga kasama sa Ako Bicol partylist, gayundin ang pasensya at pag-unawa sa gitna ng mga kinakaharap na isyu. (ROMER R. BUTUYAN)