NAKATAKDANG gambalain ng Senado ang pananahimik ni dating House Speaker Martin Romualdez sa muling pagsipa ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng tinaguriang flood control scandal.
Pagtitiyak ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson, sesentro kay Romualdez at dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa maanomalyang proyekto ng gobyerno kontra baha.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni Lacson na tumatayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee ang napipintong pag-ungkat sa isang “South Forbes property” na sinasabing binili ni Romualdez noong 2023.
Sangkot din, ayon kay Lacson, ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya na tumayong “frontman” ni Romualdez sa pagbili ng ari-arian base sa testimonya ng ilang saksi sa bentahan.
Sinabi ni Lacson na maaari rin imbitahan ng komite sa susunod na pagdinig si Romualdez o isang kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC), upang magbigay-linaw sa naturang usapin.
Batay sa nakalap na dokumento, ang nakabili ng bahay ay ang Golden Pheasant Holdings Corp., kung saan ang pangunahing stockholder ay si Jose Raulito Paras. Si Paras ay humawak ng matataas na posisyon sa hindi bababa sa tatlong kumpanyang konektado sa dating Speaker.
“Sa susunod na pagdinig pwedeng gawin yan ng Senado. Iko-course namin ang invitation (kay Romualdez) kay Speaker Dy. Kung gusto niyang magpunta welcome siya magpaliwanag. Pero hindi pwedeng sabihin kailangan pumunta siya dahil may inter-parliamentary courtesy,” ani Lacson.
Binanggit ni Lacson na dalawang staff ng dating nangungupahan sa bahay ang nagsabi sa Blue Ribbon Committee noong nakaraang Lunes na si Discaya ang nagsabi sa kanila na lisanin ang bahay dahil ihahanda na ito para sa bagong may-ari. Positibo rin nilang kinilala si Discaya sa pagdinig.
Kabilang rin sa target anyayahan sa susunod na pagdinig si Paras para magpaliwanag sa kakayahang makabili ng bahay, na naiulat na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P1 bilyon.
“Sa susunod na pagdinig, iimbitahin namin si Atty. Paras para kung sabihin niya sa kanya talaga yan, yung Golden Pheasant, na siyang buyer o vendee ng property at hindi kay Speaker Romualdez, ipaliwanag niya sa BIR kung ano ba ang financial capacity niya, yung wherewithal para bumili ng ganung kalaking halaga ng bahay. Kasi hindi biro-biro ang halaga ng bahay. Masyadong mahal,” aniya.
“Hindi ko sinasabing enough yan to implicate the former Speaker. Pero sinasabi ko lang magpo-provide ng lead yan sa mga investigators kasi hindi naman para kami mag-pursue noon kasi wala kami sa prosecution. Kami in aid of legislation.”
“At the same time pwede kaming mag-rekomenda base sa mga ebidensyang nakuha namin na ifo-forward namin sa mga investigating agencies ng gobyerno,” dagdag niya.
Kasabay nito, sinabi ni Lacson na marami pang dapat ipaliwanag si Bonoan, kabilang ang tila “pattern” ng mga maling grid coordinates sa mga flood control project sa ulat na isinumite niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Pwede nating i-focus ang next hearing kay Bonoan at kung anong ibang issues na pwedeng i-clarify niya. Tutal narito na siya sa bansa, siya pwedeng bigyan ng linaw ang pinupukol sa kanya,” aniya sa panayam.
Napansin din umano niya na sa huling pagdinig ng Blue Ribbon Committee, nagpakita sina DPWH Undersecretaries Arthur Bisnar at Ricardo Bernabe III ng datos na nagpapahiwatig ng isang “clear pattern” sa pagsusumite ng mga maling grid coordinates.
Sinabi ni Lacson na kung iilan lamang sa kabuuang bilang ng mga flood control project ang may maling grid coordinates, maaari itong ituring na hindi sinasadya o bunga ng kapabayaan.
Ngunit binigyang-diin ng senador na dahil mahigit 86 porsyento ng mga proyekto ang may maling grid coordinates, “mukhang pwede na nating sabihing sinadya.”
Ayon kay Lacson, hindi niya inaalis ang posibilidad na ang pagsusumite ng maling datos ay layon hindi lamang para siraan ang “Sumbong sa Pangulo” website — kung saan nakalista ang mga lokasyon ng mga flood control project — kundi para pahinain din ang pag-uusig sa mga kasong may kaugnayan sa mga “ghost” flood control project.
“Halimbawa may naka-file ng kaso, pwedeng gawing depensa yan. Sabihin ng legal defense, mali ang grid coordinates di ba? So yan ang nakita nating long-term motive,” aniya.
Sa hiwalay na panayam sa DZBB, sinabi ni Lacson na kung magiging mailap si Bonoan sa pagsagot sa mga tanong, maaari itong ma-cite in contempt ng komite, at arestuhin para ikulong sa Senado.
“Pwede siyang makulong, hindi lang ma-issue-han ng arrest warrant, ipapakulong right then and there,” ani Lacson. (ESTONG REYES)
