MATAPOS kumpasan ang Kamara na aprubahan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, binuweltahan ng kaso ng isang kilalang kaalyado ng pangalawang pangulo si House Speaker Martin Romualdez at iba pang kongresista.
Sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, pinaratangan ang pamunuan ng Kamara ng umano’y pamemeke ng mga dokumento at katiwalian sa likod ng aniya’y blank items at insertions sa 2025 national budget.
Batay sa reklamo ni Alvarez na tumayong complainant kasama ang apat pang petitioners, 12 counts para sa falsification of legislative documents at graft laban ang ikinaso kay Romualdez, Majority Leader Manuel Dalipe, at dati at kasalukuyang chairperson ng House Committee on Appropriations.
“Noong una ang sana iniisip namin yung violation lang ng Revised Penal Code. Ngayon may nagsabi, sa daming nilabag na batas, bakit hindi natin i-file lahat ng kaso na pwedeng i-file? Kaya napag-decision na ng grupo na pumunta rin dito sa Office ng Ombudsman upang i-file ang mga kaso na nilabag nila sa anti-graft law,” wika ni Alvarez.
Partikular na tinukoy ni Alvarez ang P241-bilyong halaga ng umano’y insertions ng mga House leader sa 2025 national budget.
Gayunpaman, nanindigan ang mga kaalyado ni Romualdez na politically-motivated ang isinampang reklamo ng kampo ni Alvarez.
“Passing the national budget is not a crime; it is a fundamental responsibility of Congress. Any attempt to portray it otherwise is a clear distortion of facts and an attack on the legislative process itself. Instead of engaging in political distractions, we must focus on ensuring that the 2025 budget is fair, responsive, and effectively serves the needs of the Filipino people,” pahayag ni Dalipe.
Kahina-hinala rin aniya na walang senador na kinasuhan ni Alvarez para sa isang usapin kinasasangkutan ng Kamara at Senado.
