SA gitna ng mga paratang ng anomalyang kinasasangkutan ng mga mambabatas, obligasyon ng Kamara ipasuri ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga kongresista.
Sa isang panayam, hayagang kinastigo ni Ombudsman Crispin Remulla ang paghihigpit ng Kamara sa SALN na hinihingi ng mga inatasang mag-imbestiga sa tinaguriang flood control scandal.
Ang sagot aniya ng Kamara sa hiling ng kanyang tanggapan — kailangan pa idaan sa plenaryo ang hirit na SALN ng kongresista.
“Hindi dapat padaanin sa plenary yan. Nasa Congress ako dati, kabisado ko `yung plenary, hindi namin ginagawa yun,” wika ni Remulla na makailang ulit na nanungkulan bilang kinatawan ng Cavite sa Kamara.
Katunayan aniya, nagawa niyang makakuha ng kopya ng mga SALN ng mga mambabatas na kabilang sa iniimbestigahan noong pumutok ang pork barrel scam — nang hindi na kailangan pang pagtibayin sa plenaryo.
Hinala ng Ombudsman, mga mambabatas na sabit sa flood control scandal ang ayaw ipasilip ang kani-kanilang SALN.
Sa kabila ng pagtanggi ng Kamara ipasilip ang SALN ng mga miyembro ng Kamara, tiniyak ng Ombudsman na kulungan pa rin ang kahahantungan ng mga tinawag niyang cong-tractor — “Tatamaan at tatamaan naman sila… kahit ano gawin nyo.”
Wala pang pahayag si House Speaker Faustino Dy hinggil sa banat ni Remulla.
