NI ESTONG REYES
TALIWAS sa unang posisyon ni Senate President Francis Escudero, inayunan ng Senado ang halos P1.3 bilyong tapyas sa panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.
Batay sa 14-pahinang Senate Finance Committee report, P733.198 milyon lang ang inaprubahang alokasyon ng tanggapan ni Vp Sara — malayo sa panukalang P2.037 bilyon.
Samantala, hindi ginalaw ng mga senador ang P10,446,475 bilyong inilaan ng Kamara para sa Office of the Vice President.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Senador Grace Poe na makailang ulit nang hiningan ng finance committee ang OVP para magsumite ng mga dokumentong magbibigay linaw sa mga usaping pananalapi ng naturang tanggapan.
Aniya, walang isinumite ang tanggapan ni VP Sara.
Para kay Poe, ang panukalang 2025 national budget ay magbibigay-diin sa makabuluhang prayoridad sa social social services, health, education, jobs, technology, at infrastructure and human development.
“This budget isn’t just a series of numbers. It’s a blueprint of our priorities, the most important investment of our government, and the heartbeat of our nation’s future,” pahayag ni Poe.
Sa inaprubahang budget ng komite, dinagdagan ang pondo para sa Health Facilities Enhance Program Fund ng Department of Health para sa pagpapatayo ng 700 rural health units, 300 local government at DOH hospital, at iba pa pang klinika sa buong bansa.
Nagdagdag din ng alokasyon para sa First 100 Days Program ng DOH at sa National Nutrition Council kung saan makikinabang ang 19,900 na buntis, 39,0000 kabataan na may kakulangan sa tamang nutrisyon at 133,000 pang mga bata.
Maglalaan din ng pondo para sa bitamina ng 11.3 milyong ‘women of reproductive age’, 2.3 milyong buntis, 1.4 milyon para sa mga sanggol at 11. 8 milyong mga paslit. Dadagdagan din ng pondo ang School-Based Feeding Program para sa mga ‘under-nourished’ na mga mag-aaral.
Samantala, tiniyak naman ni Poe ang P9.9 bilyong pondo para sa teaching materials ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Maliban sa regular na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), magkakaroon din ng sapat ng pondo para sa mga buntis at mga bata na hanggang dalawang taong gulang para mahikayat silang magpakonsulta, magpabakuna at masustansyang pagkain. Popondohan ang mga food program tulad ng Food Stamps sa buong bansa.
Mananatili naman ang P1,000 buwanang pensyon para sa apat na milyong mahihirap ng senior citizen. Makakakuha pa rin benepisyo mula sa 4Ps ang kabuuang 44 milyong pamilyang Pinoy.
Tuloy pa rin ang Assistance to Individuals in Crisis Situation habang mahigit 100,000 pamilya naman ang mabibiyaan ng low-cost housing units.
Mahigit isang milyong PUV drivers ang makakatanggap na fuel subsidies at 40 milyong commuters at 20,000 drivers naman ang makikinabang sa Service Contracting Program.
Samantala, hindi naman binwasan ang P35.190 bilyong pondo ng Comelec kung saan kasama pa rin dito ang BARMM regional elections sa kabila ng inihaing panukalang batas ni Senate President Chiz Escudero na ipagpaliban ng halalan dito.
Para hindi maulit ang kaso ni Alice Guo, sinuportahan ng Senado ang Automated Biometrics Identification System ng Bureau of Immigration na nagsusulong ng biometric verification at cross-matching ng mga criminal database para sa mga pasaherong pumapasok at lumalabas sa Pilipinas.
Gayunpaman, tuluyang aalisin na ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
