BALEWALA ang dagdag-benepisyo kung hindi naman sapat ang doktor at kagamitan sa mga pampublikong pagamutan, ayon kay Agri partylist Rep. Manoy Wilbert Lee, kasabay na panawagan sa Philippine Health Insurance Corporation’s (PhilHealth) para sa implementasyon ng amnestiya.
“Masasayang lang ang mga dagdag coverage kung wala namang mga gamit at makina. Napakarami nating kababayan na kapag sinabihan na kailangang magpa-CT scan, hindi na bumabalik dahil mahal ang gagastusin,” pambungad ni Lee.
“Ngayong may sasagutin na ang PhilHealth, hindi pa rin ito agad mapakinabangan dahil ilan lang ang ospital na may ganitong pasilidad. Ang PET scan equipment, NKTI (National Kidney Transplant Institute) at UP Philippine General Hospital lang ang meron, gaano pa katagal ang hihintayin nila?,” bulalas ng Bicolano solon sa pagdinig House Committee on Health kamakailan.
Giit ni Lee, bigyan ng amnestiya ang mga pribadong pagamutan at doktor na mayroong kinakaharap na kaso hinggil sa PhilHealth claims o payments.
“Walang kwenta ang mga dagdag benepisyo kung walang mga gamit at ospital,” dugtong ng kongresista.
Kaya naman muling hiniling ni Lee sa Department of Health (DOH), bilisan ang paglalagay ng medical equipments tulad ng Positron Emission Tomography (PET) scan, Computed Tomography (CT) scan, Magnetic Resonance Imaging (MRI), at iba pang mga gamit at pasilidad para diagnostic tests sa lahat ng public hospitals.
Una nang kinalampag ni Lee ang DOH sa aniya’y kawalan implementation plan na may kaakibat na ‘definite timeline’ sa pagbili ng iba’t-ibang medical equipment na ipapamahagi sa mga government health institutions sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Sa nabanggit na committee hearing, binanggit din ang usapin tungkol sa mga ospital at doktor na nahaharap sa kaso matapos na kanselahin ang kanilang billing sa PhilHealth dahil sa ilang isyu.
“Maraming kaso na maliliit at mga kasong dahil sa double entry or double payments. Nabanggit ko na po ito nung 2023 pa, mga kaso na P2,000 ang halaga, pero ang penalty ay aabot ng P300,000, tapos suspendido pa ang ospital, na dahilan kung bakit hindi makatanggap ng PhilHealth patients,” paglalahad ni Lee.
“Kailangan po natin na mas maraming ospital na nakakapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan. Kung masususpinde sila at haharap sa mga kaso na kung tutuusin ay maliit lang naman, sa huli, apektado ang kanilang serbisyo,” dugtong niya.
Sinang-ayunan naman PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang posisyon ni Lee at sinabing “from the side of PhilHealth, 100 percent support po. It will solve a lot of problems. We are with you 100 percent.”
“Ang pinaglalaban natin, libreng gamot at pagpapagamot. Magtulungan tayo, ang gobyerno at pribadong sektor, para makamit ito at talagang mapagaan ang pasanin ng taumbayan. Hindi pwedeng kanya-kanya at maging pabigat pa tayo sa isa’t isa!” bulalas ni Lee.
“Dapat mawala na ang pangamba ng ating mga kababayan na magkasakit dahil sa takot na malubog sa utang at kahirapan ang kanilang pamilya. Ang layunin ko: Gamot Mo, Sagot Ko!” pahabol ng mambabatas na kabilang sa mga 2025 senatorial aspirants. (Romeo Allan Butuyan II)
