
PARA matutukan ang paspasang implementasyon ng pabahay sa mga biktima ng bagyong Yolanda, pormal nang inilipat sa pangangasiwa ng lokal na pamahalaan ang pangangasiwa sa Yolanda Permanent Housing Program (YPHP).
Sa ginanap na ceremonial turnover sa Burauen, Leyte, personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez ang pagsasalin ng “symbolic keys” sa lokal na pamahalaan ng walong apektadong bayan na binayo ng bagyong Yolanda 11 taon na ang nakalipas.
Lubos naman ang pasasalamat ni Romualdez (Kinatawan ng Leyte sa Kamara) kay Marcos sa masidhing hangarin tiyaking nasa mabuting katayuan ang mga pamilyang lubos na apektado ng naturang kalamidad.
“Nagpapasalamat tayo sa Pangulo para sa patuloy na suporta sa ating lalawigan. Ang proyektong ito ay hindi lamang tungkol sa simpleng pabahay kundi simbolo ito ng pagbangon ng ating mga kababayan,” wika ng lider ng Kamara.
Paglilinaw ni Romualdez, kasama sa pagsasalin ng kustodiya ang mga natapos na housing units sa Cool Spring Residences (Burauen Housing Project) sa Burauen, Riverside Community Residences (Tabontabon Housing Project) sa Tabontabon, Mont Village Subdivision sa Tanauan, Coconut Grove Village sa Julita, Marabut Village Sites 1 at 2 sa Marabut, Pastrana Ville sa Pastrana, Dagami Town Ville sa Dagami, at Culaba Housing Project sa Culaba, Biliran.
Aabot sa 3,517 housing units ang iti-turnover sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Yolanda, partikular sa mga pamilyang nakatira sa mga lugar na pasok sa kategorya ng “no-build zones.”
Sa naturang bilang, nasa 1,963 na ang tinutuluyan na ng mga benepisyaryo.
Ang bawat unit ay may floor area na 22 hanggang 28.6 metro kuwadrado na itinayo sa 40 metro kuwadradong lupa.
“Ang mga bahay na ito ay kumakatawan sa bagong pag-asa at bagong simula para sa ating mga kababayan na nasalanta ng Yolanda,” ani Romualdez.
“Ito ay patunay ng malasakit at pagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng ating mahal na Pangulong Marcos Jr.,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Kasama sa ceremonial turnover ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Donation and Acceptance (DODA), na hudyat ng pormal na paglilipat ng mga housing unit sa mga benepisyaryo.
Nagpasalamat naman ang mga alkalde mula sa walong munisipalidad sa pabahay para sa mga apektadong nasasakupan. Nagpasalamat din ang mga benepisyaryo sa pamahalaan.
Binigyang-halaga ni Romualdez ang kolaborasyon sa pagitan ng national government at mga local stakeholder sa pagtugon sa problema sa pabahay at pagtiyak na makakabangon mula sa kalamidad.
“Ang tagumpay ng proyektong ito ay dahil sa pagtutulungan ng lahat ng sektor – mula sa pamahalaan hanggang sa ating mga komunidad,” sabi pa ng lider ng mahigit 300 kinatawan sa Kamara.
Dagdag ng House Speaker, dapat na masiguro na makababangon muli ang mga Yolanda survivors.
“This is also about restoring dignity and giving our kababayans a chance to rebuild their futures.”.
Samantala, tiniyak ni Speaker Romualdez na patuloy na isusulong sa Kongreso ang mga panukala upang mapalakas ang disaster preparedness at recovery programs ng gobyerno.
“Patuloy tayong magsusulong ng mga programang magbibigay ng seguridad at katiyakan sa ating mga kababayan… ang bawat tahanan ay simbolo ng pag-asa, at ang bawat proyektong ito ay patunay ng ating sama-samang pagsisikap para sa mas magandang kinabukasan,” pagtatapos ng lider ng Kamara. (Romeo Allan Butuyan II)