KINUWESTYON ng isang ranking official ng Kamara ang timing at motibo sa pagsusulong ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. lalo’t nalalapit na ang May 2025 midterm elections.
Para kay Tingog partylist Rep. Jude Acidre, wala rin katiyakan kung mabibigyan tugon ng Kamara ang nasabing kaso kung ang ikokonsidera ay ang legislative calendar ng kasalukuyang 19th Congress.
“Ang tanong ko lang ho sa impeachment may dalawang linggo na lang pagkabalik namin ng session, hindi ko ho alam kung may saktong oras pa,” wika ni Acidre isang panayam kasabay ng Tingog Party-list/ Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) rally para sa administration senatorial candidates Huwebes ng hapon sa Tacloban City.
Bagama’t hindi pa nakikita ang kopya ng naturang impeachment complaint, nagbabala naman si Acidre sa publiko na maging maingat at huwag magpadala sa political agenda ng iba lalo’t panahon ngayon ng kampanyahan.
“Hindi ko pa rin nababasa ‘yung impeachment pero kaduda-duda na ito ay ipa-file apat na araw bago ang eleksyon. Sana ho ang ating mga kababayan ay tingnan hindi po kandidato ang ating presidente at bakit kailangan po itong gawin sa kanya?”
Huwebes nang hapon nang maghain ng impeachment complaint ang Duterte Youth partylist group laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang isuko umano sa International Criminal Court si former President Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong giyera kontra droga. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
