
MINSAN nang nangako ang pabibong pamilyang may kontrol sa lungsod ng Makati ng dekalidad na serbisyo para sa mga residente ng tinaguriang Enlisted Men’s Barrio (EMBO). Dangan naman kasi, hitik sa botante ang 10 barangay sa gawing timog-silangang bahagi ng Metro Manila.
Pero sa isang iglap, nagbago ang ihip ng hangin lalo pa’t nahalata yata ng naghaharing pamilya na wala na silang mahihita boto kasunod ng 2023 Supreme Court decision na naglilipat ng hurisdiksyon ng 10 barangay sa lungsod ng Taguig.
Ang mga pasilidad na ipinatayo gamit ang buwis ng mga tao, ikinandado. Ang resulta— sarado ang mga health centers, daycare hubs, basketball court, parke at iba pa. Sa madaling salita, pinagkaitan ng serbisyo ang mga tao..
Ang masaklap, dekada na ang pagtanggap ng Makati City government ng buwis mula sa EMBO. Nung mawala sa kanila ang 10 barangay, parang ginipit pa ang mga residente sa huling sandali. Pati mga pangunahing serbisyo tulad ng bakuna at gamot para sa mga senior citizen ay ginamit na bargaining chip!
Kitang-kita ang pagiging doble-kara: habang ipinagmamalaki ang world-class services, pinahirapan naman ang mga taga-EMBO. Ang dating pinagsisilbihan, biglang tinalikuran ng walang pagsisisi.
Pagkakataon na sana ito ni Makati Mayor Abby Binay na mag-iwan ng magandang legasiya. Ngunit sa halip na magpaalam ng may dignidad sa pagtatapos ng kanyang termino, nagpasya siyang umalis ng may dalang hinanakit at paghihiganti.
Ngayong ipinabukas na ng korte ang mga pasilidad, malinaw kung sino ang tunay na nagmamalasakit. Ang mga ngiti ng taga EMBO ang pinakamatinding hatol sa mga lider na nagkait ng batayang serbisyo.