HINDI na nga halos magkasya ang buwanang sweldo ng mga obrero, nagawa pa ng Social Security System (SSS) patawan ng dagdag-pasakit ang mga manggagawang Pilipino.
Sa isang pahayag, kinastigo ni Sen. Risa Hontiveros ang implementasyon ng adjustment sa buwanang butaw na kinakaltas sa sweldo ng mga empleyado sa pribadong sektor, kasabay ng paghahain ng Senate Resolution 1269 na naglalayong imbestigahan ang SSS.
Para kay Hontiveros, hindi dapat ituloy ang SSS contribution hike dahil hindi naman aniya tumataas ang sweldo ng mga manggagawa habang patuloy naman ang pagsipa ng inflation.
“Habang pababa ng pababa ang halaga ng kinikita ng ating mga kababayan nitong mga nakaraang taon, pataas ng pataas naman ang investment earnings ng SSS. Saan naman nila dadalhin itong super tubo na `to? Baka magulat na lang tayo at ilagay nila yan sa Maharlika Fund,” ayon kay Hontiveros.
Patuloy na nya pa, “Pumalo na sa P100 billion ang net income ng SSS noong 2024, dumami pa ang contributors nang halos 30 percent, at lumawig pa nga ang fund life nito hanggang 2053. Obvious naman na kayang-kaya ng SSS na huwag munang mangolekta ng increase.”
Babala ng senador, mas bibigat ang pasanin ng pangkaraniwang manggagawa at ilang bahagi ng middle class. Sa sandaling ituloy ng SSS ang pagtaas sa halaga ng buwanang kontribusyon.
“Halos wala pa ring ipon ang ilan sa ating mga kababayan dahil sa pandemya at nabawasan pa nga ang halaga ng kanilang kinikita dahil sa inflation. Huwag na muna sanang bawasan ng SSS ang kanilang take-home pay na maliit na nga, mas liliit pa dahil sa contribution hike,” dugtong pa ng opposition senator.
“Inaprubahan ang contribution hike noong 2018 pa, kung kailan wala pa sa isipan natin magkakaroon ng pandemic na hanggang ngayon damang-dama pa rin ng ilan sa atin ang epekto, lalo na pagdating sa ating mga bulsa,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Hontiveros na dapat magsagawa ng kaukulang pag-aaral ang SSS hinggil sa planong pagtaas ng kontribusyon upang ibalanse ang interes ng ordinaryong manggagawa sa “actuarial life” ng state insurer.
“Huwag muna nating ipatupad ang SSS contribution hike habang pinag-aaralan natin ito ulit. Manatili sanang salbabida ang SSS sa mga panahon ng pangangailangan, imbes na lalo pabigat sa mga miyembro.” (Estong Reyes)
