PROBLEMADO ang hanay ng mga lokal na magsasaka kung paano makipagsabayan sa pamilihan ang aning palay mula sa kanilang sakahan matapos makumpirma ang pagpasok ng hindi bababa sa 600,000 metriko toneladang bigas na inangkat pa mula sa ibang bansa.
Partikular na tinukoy ng mga magsasaka ang pag-amin ni Assistant Secretary Arnel De Mesa na tumatayong tagapagsalita ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa paparating na imported rice.
Sa isang panayam sa radyo, nilinaw ni De Mesa na walang kakulangan sa supply ng bigas sa bansa.
“Wala tayong shortage ng bigas,” ani De Mesa sa panayam sa programang “Pera Talks” sa DWAR.
Gayunpaman, ibinahagi ng opisyal ang pagpasok ng 300,000 toneladang ngayong buwan ng Pebrero sa bisa ng kasunduan na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francis Tiu-Laurel.
“Meron tayong importation, na-expect natin 300,000 metric tons ngayong January at nagkaroon din ng agreement kay Secretary sa mga importer na additional 300,000 by February.”
