MALINAW na may pilit pinagtatakpan ang mga miyembro ng gabinete sa likod ng pag-aresto kay former President Rodrigo Duterte kaugnay ng crimes against humanity na kinakaharap sa International Criminal Court (ICC).
Sa ikalawang pagdinig ng Senate committee on foreign relations, nagpasaring si Senador Imee Marcos sa hindi pagdalo ng mga imbitadong opisyales ng ng administrasyon.
Bukod kay Sen. Imee, tanging sina Senador Alan Peter Cayetano at Ronald “Bato” Dela Rosa — at mga kinatawan mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) at akademya ang sumipot sa kalawang senate heating.
Panandaliang naman dumalo si Senador Bong Go sa pamamagitan ng teleconference sa pagdinig pero agad na nagpaalam matapos mabatid na wala maski isang miyembro ng gabinete.
“Nirerespeto ko ang doktrina ng executive privilege pero pakantandaan natin hindi ito pwedeng gamitin bilang blanket shield, pangkalahatang pantago, para ilagan ang tanong at umiwas sa paanyaya ng Senado,” ayon kay Marcos.
“Hidden truths are unspoken lies. Ang katotohanan na tinatago ay kasinungalingan din. At mukhang ganun ang nangyayari ngayon sa pagtatago ng katotohanan gamit ang executive privilege at subjudice, nagmistula tuloy may cover up sa mga nangyayari,” dagdag ng senador.
Kasabay nito, nagpahayag ng pagkadismaya si Cayetano sa inasta ng miyembro ng Gabinete sa hindi pagdalo sa imbestigasyon gamit ang “executive privilege” hinggil sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso.
Sinabi ni Cayetano na nalalaman ng lahat ng kapag ganito kabigat ang tinatalay na isyu sa isang pagdinig o imbestigasyon, may kahihinatnan ang pagsasalita, may consequences ang pagdalo.
“But I think I was more than kind last hearing in terms of not pressing my questions kapag sinabi nilang sub-judice. But just to clarify, well settled na yan whether sa jurisprudence or sa history ng Senate na mere filing of a case or mere pendency of a case does not stop the hearing nor is it a reason for them not to discuss,” ayon kay Cayetano.
“We want accountability here in the Philippines at ‘yung tamang process. Whether you are pro- or anti-Duterte, we want and need the rule of law. Gusto natin ang tama,” aniya.
Sinabi pa ni Cayetano na base sa Republic Act No. 7438, tiniyak ang karapatan ng indibidwal sa pag-aresto na isang paalala na walang legal na palusot o shortcut na yuyurak sa “civil liberties.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang paggamit ng sub-judice rule at executive privilege partikular ng pangunahing opisyal na nabigong dumalo sa pagdinig.
Nilinaw nito na ibig sabihin ng sub-judice ay para protektahan ang judicial proceedings, hindi dapat maging hadlang sa imbestigasyon ng Kongreso.
“Kung ‘yan ang kaso, lahat ng ginagawa ng Senado o pati ng Tri Comm at Quad Comm ng Kongreso ngayon, ang kailangan lang gawin ng witnesses nila ay magsampa ng kaso at itigil na ang hearing,” aniya.
“Hindi sakop ng executive privilege si CIDG Acting Director General Nicolas Torre maliban na lamang kung direkta siyang pinagsabihan ng Presidente,” giit pa ni Cayetano.
Ipinunto din niya ang inconsistencies kung paano ipinatutupad ng gobyerno ang rules partikular ang pagpapanagot sa isang opisyal hinggil sa public statements.
“Kapag ordinaryong pulis o sundalo ang nagsalita, agad silang pinapanagot. Pero si General Torre, kahit ano sinasabi sa interviews, walang reprimand,” aniya.
Kaya hinimok niya ang lahat ng lider na maging patas sa pagpapatupad ng batas, dahil tinitingala sila ng ating tauhan ng gobyerno, pulis man hanggang guro, para sa gabay at halimbawa.
“Ang bata natututo sa gawa, hindi salita. Sana consistent tayo para hindi nalilito ang mga kawani ng gobyerno kung ano talaga ang tama at ano ang mali,” aniya.
Samantala, sinabi naman ni Dela Rosa na dumalo sa unang pagkakataon sa pagdinig na pumabor sa subpoena laban sa opisyal ng Gabinete na posibleng magkaroon ng “constitutional crisis.”
“Itong ginawa ng mga opisyales from the Executive branch of government is a total snub, as far as we’re concerned. Ito’y tahasang pagbalewala sa doktrina ng checks and balances ng ating gobyerno. Kung ayaw nila mag-attend ng hearing, ibig sabihin, ayaw nilang magpapa-check sa atin na co-equal branch of government,” aniya.
“I think we’re now on a verge of a constitutional crisis kapag tuluyan nilang i-snub ang ating Konstitusyon. Wala nang mangyayari, wala nang resputahan ito sa isang kapwa co-equal branch of government,” giit pa niya. (ESTONG REYES)
