NI FERNAN ANGELES
Sa isang sibilisadong lipunan, higit lalo sa isang demokratikong bansa, dapat walang kinikilingan ang batas — kesehodang sikat, mayaman o anupaman ang katayuan sa buhay.
Ito mismo ang diwa ng demokrasya. Ang bawat mamamayan, may garantisadong karapatan at obligasyon alinsunod sa konstitusyon.
Sa kaso ni former President Rodrigo Duterte, higit na angkop isantabi ang hidwaan sa pulitika at pairalin ang doktrina ng hustisyang may piring. Ang batas na aplikable kay Juan, dapat aplikable rin kay Pedro.
Hindi angkop baluktutin ang panuntunan sa pangambang baka pumabor sa dating pangulo ang batas na ginamit sa iba pang Pilipino.
Sa konteksto ng demokrasya, walang mahirap o mayaman, walang sikat o simpleng mamamayan, walang makapangyarihan o simpleng Juan. Lahat tayo pantay-pantay sa lahat ng aspeto – trato, oportunidad, respeto at iba pa.
Anumang kaparusahan ang iginawad sa isang pobre, ganun din dapat ang ipataw sa sa dating Pangulo. Sa isang banda, anumang karapatan meron ang pangkaraniwang tao, dapat meron din si Duterte.
Ito ay tumutukoy sa walang kinikilingan na pagbibigay ng mga oportunidad at karapatan sa lahat ng mga indibidwal, hindi lamang sa mga mayaman at may kapangyarihan.
Kahit ano ang ating pananaw sa pagdakip kay dating Pangulong Duterte, sa usaping legal man o moral, dapat iginagalang natin ang bawat isa. Ang paggalang sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay isang mahalagang aspeto ng demokrasya at ng pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Dapat palaganapin ang katarungan alinsunod sa umiiral na batas at sa Konstitusyon, na nagbibigay-diin sa prinsipyo ng pantay na pagtingin sa lahat.
Sa ganitong paraan, masisiguro na ang bawat mamamayan, kabilang ang mga dating pinuno, ay nadarama ang patas na pagtingin ng batas at ng gobyerno, at na ang katarungan ay palaganapin sa lahat, hindi lamang sa mga may kapangyarihan o nasa mataas na katayuan sa lipunan.
