
NAKATAKDANG maglabas ng isang bagong kautusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tugunan ang daing ng mga magsasaka sa pagbagsak sa presyo ng palay bunsod ng labis na supply — at pananalasa ng kalamidad.
Ito ang ipinabatid ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. sa panayam nang dumalo sa plenary deliberation ng Kamara kauignay ng hinihinging badyet para sa susunod na taon.
Partikular na tinukoy ng Kalihim ang executive order para sa emergency government procurement ng palay matapos malaman mismo ng Pangulo ang sitwasyon ng mga magsasaka sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
“Farm‑gate price of palay had briefly surged to around P14/kilo just weeks before the import freeze took effect on September 1, from P8–10/kilo. Since the start of the harvest, prices have again fallen to pre-import ban levels and in parts of Northern Luzon, where rains and flooding damaged crops, wet palay prices reportedly plunged as low as P6/kilo,” palalahad ni Laurel.
“This is quite alarming. Over the weekend, everyone in the DA has been at work. I was with President Marcos in Northern Luzon, and these are the decisions that have been made,” dagdag niya.
Bilang solusyon, kabilang sa ipatutupad ang pagpapalawig ng hanggang 30 araw sa rice importation ban, pagtatakda ng floor price sa palay, pagtaas ng buwis sa imported rice sa sandaling tanggalin ang importation ban.
Ipagbabawal din sa government agencies at local government units na bumili ng imported rice, paglarga ng emergency palay purchase sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) at ang pagbibigay ng pahintulot na magrenta ng mga bodega para mapataas ang storage capacity ng NFA.
Ani Laurel na tumatayong chairman ng NFA Council, asahan ang pagbili ng ahensya ng wet palay sa halagang ₱17 kada kilo sa ilalim ng emergency plan.
Dagdag pa ng kalihim, malaki rin ang posibilidad na palawigin ang rice importation ban hanggang sa katapusan ng kasalukuyang taon, na siya rin umanong rekomendasyon ng rice millers at local rice traders. (ROMER R. BUTUYAN)