HINDI kontento si Bicolano lawmaker Manoy Wilbert “Wise” Lee sa ipinatupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mga dagdag-benepisyo kabilang ang 50% increase sa ilang case rates nito, pagkakaloob ng glasses at optometric services para sa mga bata, open-heart surgery benefits, pediatric cataract extractions at iba pa.
“Maganda sanang Pamasko sa ating mga kababayan kung sumunod lang ang DOH sa ipinaglaban at naikasa nating commitment na nilagdaan mismo ng pinuno nito para mapababa ang gastos ng bawat Pilipino sa pagpapa-ospital. Ang inaprubahan na mga dagdag benepisyo kamakailan ay kulang-kulang sa napagkasunduan.”
Ang tinutukoy ng AGRI partylist solon ay ang pangako ni Health Secretary Teodoro Herbosa, na tumatayong chairman ng PhilHealth Board and the Benefits Committee (BenCom), na pagbibigay ng free diagnostic scans, kabilang ang PET, CT, at MRI scans, at 80% coverage para sa cancer at heart disease treatments sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.
Giit ni Lee, “every day of delay means another Filipino family pushed deeper into poverty because of health expenses. The funds are there—use them for people’s health!”
“Kahit para na tayong sirang plaka sa paulit-ulit na panawagan na gamitin ang pondo ng kalusugan para sa kalusugan, di tayo titigil dahil ito ang talagang makakabawas sa pangamba ng ating mga kababayan, lalo na sa pagkakasakit dahil sa mahal na gamot at pagpapagamot,” pangako naman ng mambabatas,
Ayon kay Lee, na siyang unang nagbunyag sa pagkakaroon ng PhilHealth ng mahigit sa P500 billion na ‘available funds,’ dapat gawing New Year’s Resolution ng DOH at PhilHealth maging maagap sa pagtataas sa health benefits packages para sa buong mamamayang Pilipino.
“Nasaan ang hustisya kung milyon-milyong Pilipino pa rin ang papasan sa mga pagdurusa at pagkakitaan ng mga dagdag na benepisyong pangkalusugan dahil sa pagkamanhid at kapalpakan ng ilang namumuno?” patutsada ng kongresista.
“Napakalaking insulto at kalokohan na gamitin ang pondong kailangang-kailangan para sa mga dagdag na serbisyong pangkalusugan sa marangyang okasyon o ilipat ito sa mga proyekto na hindi naman ikamamatay ng mga Pilipino kung hindi maipagawa,” giit ni Lee.
Pagtitiyak pa ni Lee, hindi niya titigilan ang paniningil sa mga pangakong benepisyong pangkalusugan at patuloy rin umano siyang tututok sa pagpapanagot sa mga manhid at walang pakialam, hanggang masiguro na ito na ang huling Pasko at Bagong Taon sa posisyon ng mga opisyal at tauhan ng pamahalaan na wala malasakit at hindi ginagawa ang kanilang trabaho.
“Hindi na dapat paabutin ng panibagong Pasko o Bagong Taon ang pagpapatupad ng mga dagdag na benepisyong pangkalusugan. Ang gamot at pagpapagamot, dapat libre na ng gobyerno. Ang layunin ko: Gamot Mo, Sagot Ko!” (Romeo Allan Butuyan II)
