SA kabila ng panaka-nakang pag-ulan, nakapagtala ng hindi bababa sa 30 insidente ng sunog kada araw sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa huling buwan ng taon, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa datos ng BFP, pumalo sa 724 ang kabuuang bilang ng mga naitalang insidete ng sunog mula Disyembre 1 hanggang sa bisperas ng Pasko.
Gayunpaman, nilinaw ni Senior Superintendent Annalee Atienza na tumatayong tagapagsalita ng kawanihan na hindi hamak na mas mababa ang bilang ng sunog ngayong buwan kumpara sa 1,112 insidenteng naitala noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Para kay Atienza, malaking bentahe sa aniya’y pagbaba ng bilang ng insidente ng sunog ang puspusang fire safety education at fire prevention campaign, kaakibat na rin ng kooperasyon ng mga komunidad at pagtulong ng mga lokal na pamahalaan.
Sa naturang bilang, pasok na umano ang mga insidenteng may kinalaman sa paggamit ng paputok na karaniwang ginagamit ng mga Pilipino bilang pagsalubong sa bagong taon.
Sa halip aniyang paputok, mas mainam kung gagamit na lang ng iba pang pampaingay para iwas-disgrasya.
Pagtitiyak ng BFP sa publiko,mas pinaigting ng kawanihan ang pag-iikot ng fire personnel upang mapanatili ang tinawag niyang visibility sa nalalapit na pagpapalit ng taon. (Lily Reyes)
