
WALANG puwang na iiwan ang House Committee on Legislative Franchises sa mas malalim na pagsisiyasat hinggil sa nakababahalang impormasyong nabisto ng Kamara.
Partikular na tinukoy ni Paranaque City Rep. Gus Tambunting na tumatayong chairman ng naturang komite ang impormasyon kung saan lumalabas na 40% porsyento ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at kontrolado ng State Grid Corporation of China (SGCC).
Sa ginanap na briefing na dinaluhan ng mga energy sector stakeholders, naungkat ang pagkaantala ng nasa 200 electricity transmission project ng NGCP.
“Through our briefings, it was revealed that over 200 critical transmission projects outlined in the latest approved 2023 Transmission Development Plan were significantly delayed, failing to meet their projected timelines,” ayon kay Tambunting.
Aniya, kahit na kayang lumikha ng dagdag na kuryente ang mga planta, ang problema naman ay ang kawalan o kakulangan ng linya ng kuryente upang maihatid ang enerhiya sa mga konsyumer dahil sa kabi-kabilang pagkaantala ng proyekto.
“This challenge is particularly pressing as the country transitions to renewable energy sources, aligning with its commitment to combating climate change. This additional generation capacity is vital as rising temperatures drive up electricity demand and increase the likelihood of power plant shutdowns and outages,” diin ni Tambunting.
Napag-alam naman na pinatawan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang NGCP ng P15.8 milyong multa dahil sa 34 na “unjustified delays” sa 37 proyekto nito, na minaliit naman ng House panel chair dahil hindi umano ito maikukumpara sa malaking perwisyong dala sa mga konsyumer at bilyong-bilyong kita ng naturang power utility firm.
Iginiit naman ni Laguna Rep. Dan Fernandez ang pangangailangan mapanagot ang NGCP kung hindi nito nasusunod ang kanilang mga obligasyong kalakip ng prangkisang iginawad ng Kongreso.
“The power of oversight is within this committee. We can and must review whether NGCP is living up to the expectations set by its franchise.” Paalala ni Fernandez, maaaring malagay sa alanganin o matigil ang NGCP sa operasyon nito kung babawian ng Kamara ng prangkisa.
Iniulat ni Energy Undersecretary Sharon Garin na sa 111 NCGP project na inaprubahan para sa third regulatory period, 83 proyekto lamang ang nakumpleto o 77 ang delayed.
Sinabi ni Garin na kasama rito ang Hermosa-San Jose transmission line na walong ulit na inusad ang deadline.
Ang mga delay na ito, ayon kay Garin ay isa sa mga dahilan ng kabi-kabilang power outage at mataas na singil sa kuryente.
Ikinadismaya rin ng mga mambabatas ang 91.2% dividend payout rate ng NGCP, na pagpapakiita umano na inuuna ang kita ng mga shareholder sa halip na pondohan ang mga kinakailangang imprastraktura.
Kinondena rin ni Fernandez ang NGCP sa paniningil sa mga kustomer ng mga proyektong hindi pa lubos na napapakinabangan ng publiko.
“Is it just and fair to impose and ask the consumers to pay for something that is still not operating?” tanong ni Fernandez.
“More than P100 billion ang cost ng mga projects na yan. Yet our recovery for that is less than 1%. So what my point here in saying, it may not entirely be accurate that in all cases NGCP is collecting for projects that are not yet useful or being used,” dugtong niya.
Pinuntirya rin ng mga kongresista ang ERC sa pagpayag sa NCGP na isama ang “as-spent” costs sa kanilang Regulatory Asset Base, kaya nasisingil na ang mga kustomer sa proyektong hindi pa natatapos.
Ayon sa ERC, sa as-spent cost, ang transmission rate ay maaaring tumaas ng hanggang 12 sentimos kada kilowatt-hour sa loob ng 12 buwan.
Kung gagamitin naman umano ang as-completed approach, kung saan maniningil lamang ang NGCP kapag natapos na ang proyekto, maaari umanong mag-refund sa mga kustomer ng hanggang P1 kada kWh.
Naninindigan si Fernandez na hindi makatarungan para sa mga konsyumer ng kuryente ang naturang sistema.
“Saan ka naman nakakita na ang tollway, ginagawa pa lang pero binabayaran na ng tao. That is absurd. That is highly immoral,” giit pa nito.
Sisilipin sa isasagawang imbestigasyon ng komite ang operational at financial compliance ng NGCP sa prangkisa nito sa ilalim ng Republic Act No. 9511.
Ang NGCP ang nag-iisang transmission utility sa bansa. Ang 60% nito ay pagmamay-ari ng mga Pilipino kasama ang mga business tycoon na sina Henry Sy Jr. at Robert Coyiuto Jr. at ang 40% ay ang SGCC. (Romeo Allan Butuyan II)