TINATAYANG 20,000 nursing at iba pang allied health sciences students ang makikinabang sa P500 milyon na tulong-pinansyal para sa Related Learning Experience (RLE) sa 2026 national budget, ayon kay Senador Bam Aquino.
Sa isang pagtitipon kasama ang mga nursing students na nakilala niya habang nangangampanya para sa 2025 senatorial elections sa Cebu City, ibinahagi ng mga mag-aaral ang hamon at agam-agam sa mataas na gastos ng RLE — katumbas ng on-the-job training (OJT) at isang requirement para sa graduating nursing students.
Nangako naman si Aquino na aaksyunan ang mga sentimyento ng mga tagasuportang kabataan.
Bilang katuparan sa pangako, isinulong ni Aquino ang karagdagang P500 milyon sa 2026 national budget sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program, na espesyal na inilaan para suportahan ang RLE requirements ng allied health sciences students.
“We were able to include in the budget a P500-million scholarship specifically for RLE, providing up to P20,000 per semester,” ani Aquino.
“That’s good for about 20,000 students. I think there are around 100,000 nursing students in the Philippines, so one-fifth can receive assistance,” dagdag pa niya, kasabay ng hirit na prayoridad sa budget ang mga maralitang mag-aaral alinsunod sa panuntunang ng Commission on Higher Education (CHED) upang masiguro ang patas at maayos na implementasyon.
Nagpasalamat din si Aquino sa mga estudyante sa pagdala ng isyu sa kanyang atensyon, na ayon sa kanya ay may malaking papel sa paghubog ng RLE proposal.
“You can be proud and you can say, dahil nag-session tayo sa IT Park ay may nabuong pondong iyan. A lot of our laws kasi, when we consult, when we talk to people that we want to help, or iyong mga ibang leaders, mga mayors, nakukuha namin iyong insight,” paliwanag ni Aquino.
Naghain rin si Aquino ng Senate Bill 123, na naglalayong gawing libre ang RLE sa State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs).
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga nursing students sa private universities ay maaaring mag-apply para sa TES assistance para sa mga gastusin na may kinalaman sa RLE. (ESTONG REYES)
