
BUKOD sa pangangalaga sa kalikasan, higit na angkop ang pagkakaroon ng Green Industrial Zone (GIZ) sa paglikha ng mga disenteng trabaho para sa mamamayan ng iba’t-ibang lugar sa bansa.
Para kay Solid North partylist Rep. Ching Bernos, malaking bentahe ang pagtataguyod ng GIZ sa kanayunan.
Ang solusyon ni Bersnos — House Bill House Bill 3112 (Green Industrial Zone Program bill) na naglalayong magtalaga ng mga “clean energy and sustainable industry zones” sa mga tinatawag na “less developed areas.”
Kumbinsido rin ang kongresista na sa gitna ng nararanasang climate change ay maitataguyod pa rin ang kaunlarang tanggap ng mga mamamayan at nagbibigay proteksyon sa kalikasan sa sandaling ganap na maging batas ang inakdang panukala.
“The GIZ program provides us with a framework that promotes regionally balanced industrialization consistent with global goals for decarbonization, ecological preservation, and green job creation,” pahayag ni Bernos.
Hindi aniya tulad ng traditional industrial zones na nagdudulot ng polusyon, mapanirang business models, at marginalization ng host communities, ang GIZs ay gumagamit ng clean technologies, circular economy practices, renewable energy at local labor empowerment.
“Via the Green Industrial Zone Program, we can develop new opportunities while also helping the whole country shift to a greener, more sustainable economy,” dugtong ng mambabatas,
Nakasaad sa HB 3112 na ang GIZs ay ilalagay sa strategic locations sa buong bansan partikular sa underdeveloped regions na mayroong untapped potential para sa renewable energy, sustainable raw materials, at green entrepreneurship.
Para kay Bernos, dapat magkaroon nito sa Northern Luzon regions, at mga karatig lalawigan kung saan maaaring tutukan ang bamboo processing, agro-industrial manufacturing, eco-textiles, solar assembly, at sustainable packaging na nagbibigay ng malaking potensyal para sa inclusive green growth.
“Gusto natin na mapalago pa lalo ang mga umuusbong na industriyang ito hindi lang sa Northern Luzon, kundi pati na rin sa ibang rehiyon,” paliwanag ng Solid North PL congresswoman.
Sa sandaling ganap na maging batas, itutulak ni Bernos ang paglalaan ng P5 bilyon bilang paunang pondo (sa ilalim ng General Appropriations Act) para sa agarang implementasyon. (ROMER R. BUTUYAN)