KUNG pagbabatayan ang dalas at lakas ng mga pagyanig ng lupa, posibleng sumambulat ulit ang Bulkang Kanlaon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs).
Sa datos ng PhiVolcs, umabot sa 41 volcanic-tectonic earthquakes ang naitala sa Bulkang Kanlaon mula alas 11:00 kagabi hanggang alas 10:00 kaninang umaga.
Ramdam ang magnitude 4.6 na lindol sa mga lungsod ng La Carlota City at Bacolod sa Negros Occidental, gayundin sa Canlaon City, Negros Oriental. Inuga rin ng “volcanic earthquake” ang Bago City, Murcia at La Castellana, Negros Occidental.
Kabilang rin sa senyales na naitala ng PhiVolcs ang bitak sa bato – pahiwatig ng pag-akyat ng magma mula sa ilalim ng lupa.
Naitala rin ang sulfur dioxide emissions na nasa 1,122 tonelada bawat araw, mas mababa kaysa karaniwang antas ngayong taon. Gayunman, nagbabala ang Phivolcs na posibleng magdulot ito ng pressure buildup at magresulta sa pagsabog kung hindi makakahanap ng singawan ang init ng magma.
Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon.
Paalala ng ahensya sa mga residente, huwag na magtangka pang pumasok sa 4-kilometer Permanent Danger Zone. (LILY REYES)
