UMAASA si Solid North Partylist Rep. Ching Bernos na ganap na pagtitibayin ng 20th Congress ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng isang regulatory framework partikular sa paggamit ng information and communication technology (ICT) sa paghahatid ng medical services.
Giit ni Bernos, mahalagang maipatupad na ang tinatawag na “eHealth System and Services” upang maging safe, cost-effective, secure, at accessible para sa lahat ng mamamayang Pilipino ang mga pangangalaga sa kanilang kalusugan.
“Maraming hamon ang nakakabit sa pagkuha ng health services. Mahal na pamasahe at matinding trapiko, hindi makaalis sa trabaho o sa bahay, atbp. Kaya malaking tulong sana ang pagpapalawak at pagsasaayos ng eHealth system sa ating bansa upang matugunan ang mga hamong ito,” dagdag pa niya.
Bunsod nito, inihain ng Solid North PL lady lawmaker ang House Bill 3115, o ang “eHealth System and Services bill” na sumususog sa muling pagtugon ng Kongreso sa naunang kahalintulad na panukalang batas na lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara sa nakaraang 19th Congress subalit natengga lamang sa Senado.
Ayon kay Bernos, nakapaloob sa kanyang HB 3115 ang pagkakaroon ng maayos at epektibong telehealth services, bilang pangunahing bahagi ng pagtatatag ng National eHealth System ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng telehealth services, matutugunan nito ang kakulangan ng ugnayan ng mga pasyente at medical professionals, lalo na sa mga lugar na hindi sapat ang kakayahan ng ospital at kulang sa mga espesyalista.
“With telehealth, consultations, diagnostics, and follow-ups can be done without the need for long and costly travel. This not only saves time and money, but also ensures that healthcare reaches communities that need it most,” sabi pa ni Bernos.
“There is a clamor for a more modern system that eases the already challenging pursuit of health services in our country. This bill recognizes the demand among our people for the health system to keep up with the times, that is why I sincerely hope that this proposal will finally be turned into law.”
