SA ng mga imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nagkukumahog naman si Health Secretary Ted Herbosa sa pagtatakip ng kabi-kabilang bulilyaso sa kanyang ahensya.
Kamakailan lang, nag-ikot si Herbosa sa iba’t ibang lugar na para bang bida sa isang pelikula — inspeksyon dito, inspeksyon doon. Ang target, mga super health centers na pinondohan ng Department of Health (DOH).
Pero sa loob mismo ng kanyang departamento, umaalingasaw ang mga bulilyaso. Kickback sa mga procurement deals sa gamot kontra tuberculosis, dengue at iba pa.
Hindi na bago ang “komisyon” sa tuwing may transaksyon sa gobyerno, pero hindi katanggap-tanggap ang pamamahagi ng mga pekeng bakuna, na posibleng ika-pahamak pa ng iba. Tumbukin na natin. Ang aking tinutukoy ay ang pagkalat ng Purified Chick Embryo Cell Culture Rabies Vaccine na mas kilala sa tawag na Vaxirab N.
Sa isang advisory na inilabas ng Food and Drugs Administration (FDA), nagkalat ang pekeng Vaxirab N. Ang totoo, mabisa naman talagang pangontra laban sa rabies na dulot ng kagat ng aso, pusa at ibang klase ng hayop — alaga man o pagala-gala lang sa lansangan — ang Vaxirab N.
Pero ang mga nakuhang sampol na bahagi ng pinapamahagi sa mga lokal na pamahalaan at nakamamatay, ayon mismo sa FDA.
Susmaryosep! Sukdulan na ba ang kawalan nyo ng konsensya sa ngalan ng bonggang delihensya?
Batay sa Republic Act 9711 (Food and Drugs Administration Act of 2009) at RA 8203 (Special Law on Counterfeit Drugs), may karampatang parusa ang sinuman nagpapakalat ng mga pekeng gamot.
Pero sa kasong ito, DOH mismong si Herbosa ang sentro ng bulilyaso. Kaya hindi nakapagtataka ang panawagan para sa kanyang pagbibitiw sa pwesto — yun ay kung meron pa kahit katiting na delikadesa sa kanyang pagkatao.
Sa isang banda, hindi sapat na magbitiw — o kahit pa sibakin sibakin sa pwesto si Herbosa. Tulad ng mga dorobo sa likod ng flood control scandal, dapat managot din siya alinsunod sa umiiral na batas kabilang ang mga hayagang paglabag sa RA 9711 at RA 8203 — bukod pa sa asuntong posibleng isampa ng pamilya ng mga naturukan ng pekeng bakuna na ipinamahagi ng kanyang ahensya.
Tama pala si Dr. Tony Leachon — puro lang pabibo si Herbosa.
Sa panunungkulan ni Herbosa nag-expire ang nasa P11.5-bilyong halaga ng bakuna at gamot at na nabulok lang sa bodega. Siya rin ang Kalihim nang nahinto ang gamutan kontra tuberculosis dahil sa kawalan ng supply sa kanyang unang dalawang taon.
Nawalan pa ng subsidya ang PhilHealth kung saan siya mismo ang chairman.
