PINASINAYAAN ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang konstruksyon ng Manila Disaster Risk and Management Office Flood Monitoring Command Center.
Personal na pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso — katuwang ang ilang opisyal — ang seremonyang hudyat para sa pagsisimula ng proyektong naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa nasasakupan.
Nakatakdang itayo ang panibagong gusali sa Blumentritt Road, Santa Cruz, Manila upang magsilbing flood monitoring center ng lungsod.
Ayon kay Moreno, ang pagtatayo ng naturang pasilidad layon mapalakas ang pagkakaroon ng maayos na impormasyon hinggil sa usapin ng baha sa Maynila.
Makapagbibigay aniya ito ng ‘proper data management and monitoring’ sa tubig-baha na mararanasan sa buong lungsod.
Para kay Moreno, malaking bentahe sa Maynila ang mga proyektong nakatuon sa pagsasalba ng buhay sa bisa ng “real-time data” kaugnay ng mga pagbaha sa tuwing sa panahon ng tag-ulan. (JULIET PACOT)
