WALANG dahilan para mag-alala ang mga kaanak ng mga high-profile detainees na nakapiit sa Quezon City Jail.
Sa isang kalatas, maayos at sapat na pasilidad sa male dormitory ng bagong Quezon City Jail sa Payatas, sa ilalim ng Social Integration Program ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Quezon City Councilor Rannie Ludovica na tumatayong chairperson ng Peace and Order Committee ng QC Council, layon ng pasilidad na matiyak ang maayos na kalagayan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Ang naturang pasilidad na pinondohan aniya at itinayo ng lokal na pamahalaan ay hindi lamang para sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects, kundi para rin sa iba pang PDL na inilipat mula sa lumang QC Jail sa Kamuning, EDSA.
Bawat selda aniya ay may tig-10 PDL, may sariling palikuran, at hindi siksikan. May sarili rin umanong CR, canteen, prayer room, fitness area, at may mga programang pang-edukasyon at pangkabuhayan.
Nilinaw rin ng konsehal na bagamat may mga high-profile detainees na nakakulong sa pasilidad – kabilang ang dating Senador Bong Revilla, tiniyak ni Ludovica na walang VIP treatment sa naturang piitan.
Sa impormasyong ibinahagi ng konsehal, lumalabas na kaya ng QC Male Dormitory sa Payatas na magkanlong ng hanggang 3,500 PDLs.
Ang Payatas Jail ay joint project ng Quezon City LGU at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na layong bigyan ng pagkakataon ang mga PDL na magbago at maging produktibong mamamayan sa kanilang paglaya. (LILY REYES)
