HINDI kalakal ang mga Pinay na pwedeng bilhin online, ayon kay Commissioner Joel Anthony Viado ng Bureau of Immigration (BI).
Inilabas ni Viado ang pahayag matapos mabisto ang isang modus na kilala sa tawag na “Mail-Order-Bride” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BI, nasagip ng mga operatiba ng BI ang isang 25-anyos na Pilipina na nakatakda na sanang sumakay sa eroplanong biyaheng Beijing.
Sa isang panayam, iginiit ng babae na bibisitahin niya ang umano’y asawang Chinese na nakilala online noong 2024, ngunit nabigo itong magbigay ng malinaw na detalye tungkol sa kanilang sinasabing kasal noong Setyembre 2025.
Napansin ng mga opisyal ang maraming “butas” sa kanyang mga pahayag at dokumento, kabilang ang kuwestiyonableng PSA marriage certificate.
Kalaunan, inamin ng babae na hindi niya alam ang legal na proseso ng kasal at ang kanyang tiyahin ang nag-asikaso ng papeles kapalit ng ₱60,000.
Para naman kay Viado, ang naturang insidente ay isang malinaw na kaso ng “mail-order bride” na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Nasa ilalim na ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang kustodiya sa biktima. (JULIET PACOT)
