BUMABA ng mahigit 13 porsyento ang bilang ng krimen sa Maynila sa huling bahagi njg nakalipas na taon, batay sa datos na ipinrisinta ng Manila Police District Kay Manila Mayor Isko Moreno sa kauna-unahang command conference para sa kasalukuyang taon.
Sa impormasyong ibinahagi ni MPD chief Brig. Gen. Arnold Abad, 1,834 insidente ang naitala ng lokal na pulisya para sa mga buwan ng Oktibre, Nobyembre at Disyembre ng nagdaang taon.
Ayon kay Abad, mas mababa ang naturang bilang kumpara sa 2,110 insidente noong ikatlong quarter ng 2025.
Bumaba rin aniya ang index crimes mula 291 tungo sa 239, habang ang non-index crimes ay mula 1,819 ay naging 1,595 sa parehong panahon.
Para kay Abad, ang pagbaba ng krimen ay bunga ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas at pananagutan sa mga lumalabag.
Sa panig ni Moreno, tiniyak ng alkalde na mananatiling prayoridad ng pamahalaang lungsod ang hustisya para sa mga biktima, disiplina ng pulisya, paggalang sa due process, at ang patuloy na presensiya ng mga pulis sa lansangan lalo na tuwing gabi at madaling araw.
Hinimok din ng mayor ang MPD na panatilihin ang momentum sa crime reduction at ipagpatuloy ang maayos, disiplinado, at makataong pagpapatupad ng batas habang papasok ang Maynila sa taong 2026. (JULIET PACOT)
