PERSONAL na pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang paglalatag ng seguridad para sa taunang paggunita ng Semana Santa sa Metro Manila.
Kasunod ng paglilibot sa mga terminal, simbahan, at iba pang mahahalagang lugar noong Abril 1, tiniyak ni Nartatez na maayos at epektibo ang mga inilatag na seguridad — imbes na umasa lamang sa mga ulat.
Kabilang sa mga sinipat ng heneral ang sapat na presensya ng pulisya, kahandaan ng mga assistance desk, at pagiging alerto ng mga response team para sa inaasahang pagdagsa ng mga byahero at deboto.
Katuwang niya sa inspeksyon sina Major Gen. Anthony Aberin, Brig. Gen Rogelio Peñones Jr., Brig. Gen. Arnold Abad, Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, at Brig. Gen. Randulf Tuaño, na tumulong sa pagsusuri ng deployment at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga plano.
Para kay Nartatez, hindi sapat ang paglalabas ng direktiba, kasabay ng giit na malaking bentahe sa isang organisasyon ang presensya at aktibong pakikibahagi sa mismong operasyon.
Sa gayong paraan aniya, mas napatitibay ang kumpyansa ng publiko — na ang kapulisan ay handa, organisado, at maaasahan sa oras ng pangangailangan.
Sa ilalim ng temang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” malinaw ang direksyon—isang serbisyong hindi lamang nakikita, kundi tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan.
